NAGSAMPA ng reklamong administratibo kahapon sa Department of Justice (DOJ) laban sa dalawang fiscal ng Batangas ang kampo ng Eternal Gardens Memorial Park dahil sa kuwestiyonableng proseso ng pagpapakulong sa dalawang empleyado nito kaugnay sa umano’y nawawalang lapida sa nasabing himlayan sa Batangas City.
Sa isinampang “Urgent Motion To Transfer Venue of Preliminary Investigation” ay hiniling ng mga abogado ng Eternal Gardens na ilipat sa tanggapan ng DOJ o State Prosecutor sa Manila ang pagsasagawa ng napipintong preliminary investigation ng naturang kaso.
Hiniling din ng kampo ng Eternal Gardens na imbestigahan ng DOJ ang naturang insidente sa mistulang pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga kinauukulan.
Ang reklamong “theft” o pagnanakaw ay isinampa ng isang fiscal laban sa mga nasabing empleyado ng memorial park.
Ayon sa mga abogado ng Eternal Gardens Memorial Park na pinangungunahan ni Atty. Alexis Oco, bukod sa fiscal na nagreklamo, kinasuhan din ang Batangas prosecutor na nag- inquest sa mga empleyado dahil labag umano sa batas ang ginawa nito na itinuloy ang proceedings kahit walang kasamang abogado ang mga akusado.
Sinabi ni Oco na matapos magreklamo ang naturang prosecutor sa Eternal Gardens ng October 13 sa nawawala umanong lapida ng kaanak, ipinaaresto sa araw ding iyon ang mga ito sa pulis, kung saan ang mga ito ay ikinulong matapos imbestigahan, bagamat sinabing binasahan ang mga ito ng Miranda Rights.
“Those police authorities conducted investigation regarding the missing marble, and this is prohibited under the law.During the investigation, any accused or suspect should be assisted by counsel during the custodial investigation. Later on, these two employees were taken to the police station. Allegedly, they tried to mediate between the complainant and the employees to settle.However, later, we were informed they were arrested with Miranda Rights, and inquest proceedings were conducted.We requested that the inquest proceeding be delayed, because we are on our way to assist the employees.We already know that there were already violation of their rights. Since investigation.They were subjected to investigation, questioning without the presence of any counsel of their choice. And the inquest proceeding was presided by another member of the city prosecutor without the presence of the counsel of choice of the two employees or given at least a Public Attorneys Office. And they were detained for three days. Sadly, they had to experience that,” ayon kay Oco.
Ang dalawang empleyado ay nakalaya naman nitong Lunes matapos maglagak ng piyansa.
Sinabi pa ni Oco na nagsampa sila ng kasong administratibo upang hilingin sa DOJ na imbestigahan ang mga iregularidad nang arestuhin, i-inquest at ikinulong ang mga empleyado.
“So, we are also filing a Motion to Transfer Venue of the Preliminary Investigation. Although we acknowledge that there are competent and qualified members of the Prosecutor’s [Office] who could resolve the case, however, given that the complainant is a member of the Prosecutor’s Office of Batangas and the other one, the investigating fiscal has close relations to her given that they are colleagues, we anticipated that there may be partiality,” ayon kay Oco.
Hiniling din ng abogado na boluntaryong mag-inhibit ang mga prosecutor sa paghawak sa kaso.
Sa pahayag ng abogado, mayroon umanong bagong lapida na nakalagay sa kaanak ng complainant na fiscal, subalit ang hinahanap nito ay ang lumang nawawalang lapida na nagkakahalaga umano ng mahigit kumulang sa P20,000. Kwestyonable rin ang ebidensyang iprinisenta sa presinto ng complainant sapagkat walang markings ang mga ito, ayon kay Oco.
“We are here now to ask for accountability for the DOJ to look into this matter,” ayon kay Oco.
Nakatakda pa silang magsampa ng iba pang reklamo sa mga nasasangkot sa kasong ito maging sa mga kapulisan at lahat ng sangkot sa pangyayari kung saan ay nalabag umano ang mga karapatan ng mga empleyado ng Eternal Gardens. MA. LUISA GARCIA