HUSTISYA HILING NG PAMILYA NG SCRAP VENDOR

BULACAN- HUSTISYA ang isinisigaw ng mga kaanak ng scrap vendor na binaril nang malapitan ng isang Senior Citizen sa Purok 1 Brgy. Sapang-Putik sa bayan ng San Ildefonso nito Setyembre 7 ng hapon.

Sa report na nakarating sa tanggapan ni PNP Provincial Director BGen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ang biktima na si Pascual Reyes Y Villavedes alyas Ato, 43-anyos, Lightman/ sound system crew at scrap vendor ng Brgy. Vizal Sto Cristo, Candaba, Pampanga.

Habang nakatakas umano ang suspek na si Alfonso Alvin Veneracion Y Manzanero, 62- anyos ng Purok 1 Brgy. Sapang-Putik.

Nabatid na tapos nang mangalakal ang biktima at papauwi na ito dala ang pinamiling bigas at ulam at konting pera.

Ayon naman sa ilang mga saksi, bago ang pangyayari ay tinawag umano ng suspek ang biktima kung saan nagkaroon pagtatalo at ilang minuto pa ang lumipas umalingawngaw na ang isang putok ng baril.

Sinabi naman ng 17-anyos na anak ng biktima, dumating ito sa lugar ng insidente ng alas-3 ng hapon at inabutan nito ang ama na naghihingalo pero hindi umano siya pinayagan ng mga pulis na makapasok sa policeline.

Ganap na alas- 6:30 ng gabi nang dumating sa lugar ang SOCO na pinamumunuan ni Lt.Alexhandro Agsalda kung saan nakita at nakuha umano sa scrap vendor ang isang cellphone at pera. THONY ARCENAL