HUSTISYA KAY JEMBOY TINIYAK NG PNP, DILG

TINIYAK ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na makakamit ang hustisya ng 17-anyos na binatilyong biktima ng mistaken identity ng mga pulis Navotas.

Ito ang siniguro pamilya ng biktima nang magtungo sa burol ni Jemboy nitong Huwebes na kung saan magkasunod na dumating sina Interior Secretary Benhur Abalos at Acorda na pawang tiniyak na kikilos ayon sa batas at pagdedesisyon upang makamit ang hustisya.

Una nang sinabi ni Abalos na lubhang masakit na mapatay sa walang saysay na dahilan si Jemboy at dahil na rin napagkamalan lamang ito kaya naman nangakong mag-uusap sila ni Acorda para sa tamang operational procedure upang hindi na mangyari ang pagkakamali.

Kahapon naman ng umaga ay dumating sa bansa ang ina ni Jemboy na si Roda na isang Overseas Filipino worker (OFW).

Tiniyak ni Acorda ang kapakanan at kaligtasan ng mga naulilang pamilya bilang proteksyon habang gumugulong ang masusing imbestigasyon sa anim na pulis na sangkot sa nasabing krimen.

“Nandito lang ako, unang-una to extend a condolence and at the same time to give assurance to member of the family na wala tayong itatago diyan when it comes of conduct of investigation, we will be exerting effort to investigate,” ayon kay Acorda.

Mapupulong sina Acorda at Abalos upang talakayin ang mga kaukulang pansin sa mga kapalpakan sa hanay ng PNP tulad ng nangyari sa Taguig City noong nakaraang linggo at maging ang pag-ransack ng anim na pulis sa bahay ng isang retiradong guro sa Cavite.

Kaugnay nito, sinabi ni PNP Spokesperson Col Jean Fajardo, ibinaba na ni Acorda ang direktiba na tapusin ang imbestigasyon sa loob ng 60 araw o dalawang buwan upang makamit ng pamilya Baltazar ang hustisya.

Samantala, sinibak na rin sa puwesto ang operations personnel ng Navotas Police Sub-station 4 kaugnay sa pagpatay kay Jemboy na napagkamalang murder suspect.

Sinabi ni Northern Police District Director, BGen. Rizalito Gapas, isasailalim ang mga ito sa comprehensive retraining and refresher course upang madagdagan ang kaalaman sa rules and engagement.

Habang ang mga personnel na nasa administrative operations ng nasabing himpilan ay mananatili.
EUNICE CELARIO