DUMALAW si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa burol ni Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe sa Ricardo Arcilla Hall sa Daraga, Albay kahapon ng umaga.
Personal na nakiramay si GMA sa naulilang pamilya ni Batocabe kasabay ng pagkondena sa walang saysay na pagpaslang sa kongresista.
Malaking kawalan aniya si Batocabe na kilala ring masipag magtrabaho sa Kamara, kasundo at kaibigan ng marami.
Tiniyak ni CGMA ang tulong para mabigyan ng hustisya ang pagpatay kay Batocabe.
Naniniwala ang Speaker na malaki ang maitutulong ng ambagan ng mga miyembro ng Kamara para agad mahuli ang mga pumatay sa kasamahan nilang mambabatas.
Samantala, pasok na rin ang pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-iimbestiga sa kaso ng pamamaril at pagpatay kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe at sa kanyang police escort na si SPO1 Orlando Diaz sa Brgy. Burgos, Daraga, Albay kamakalawa.
Nabatid na inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang NBI na magsagawa ng sariling imbestigasyon sa naturang kaso.
Sa inisyal namang imbestigasyon ng NBI, isa ang politika sa mga anggulong tinitingnan nila bilang motibo sa pagpatay sa mambabatas.
Patuloy ang masusing imbestigasyon sa pinangyarihan ng krimen sa pakikipag-koordinasyon sa Philippine National Police.
Matatandaang si Batocabe at aide nito ay binaril ng gunman na nakahalo sa mga tao sa kasagsagan ng gift-giving activity para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) dakong 3:00 ng hapon sa isang covered court sa naturang barangay.
Ang dalawa ay kapwa idineklarang dead on arrival sa pagamutan dahil sa mga tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.
Si Batocabe na nasa ikatlong termino na sa Kamara ay nabatid na tatakbo bilang alkalde ng Daraga sa midterm elections sa Mayo, 2019.
Natapat din naman ang pagpatay sa kanya sa araw ng wedding anniversary nila ng kanyang maybahay. CONDE BATAC, ANA ROSARIO HERNANDE
Comments are closed.