CAMP CRAME – NANINDIGAN ang Philippine National Police (PNP) na makakamit ng mga biktima ng pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat ang hustisya.
“Justice will be served,” ito ang naging pagtiyak ni PNP chief, Director General Oscar Albayalde sa mga kaanak ng mga naging biktima ng pagsabog.
Dagdag pa ni Albayalde, gagawin nila ang lahat para mahuli ang tunay na salarin para makamit nila ang hustisya.
Matapos bumisita sa ospital, iniulat ni Albayalde na out of danger o nasa stable condition na ang lahat ng 36 na nasugatan sa pagsabog sa Isulan noong Martes ng gabi, kung saan 15 sa mga ito ang na-discharge na sa ospital.
Nakipagpulong din si Albayalde sa mga police official ng Police Regional Office 12 (PRO-12), kung saan iprinisinta sa isang closed door session ang cartographic sketch ng pinaghihinalaang bomber.
Ayon sa PNP Chief, may mga iba pang hinahanap na persons of interest ang PNP na kasabwat ng prime suspect.
Samantala, inilabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng pulisya ang computerized facial composite ng suspek sa pagpapasabog sa Isulan, Sultan Kudarat noong Agosto 28 na ikinasawi ng tatlo katao at ikinasugat ng 36 iba pa.
Magugunitang sinabi ni Albayalde na namukhaan ng testigo ang nagpasabog sa harap ng J & H Marketing building katabi ng ukay-ukay store sa Brgy. Kalawag 3 habang nilinaw na ito ay facial composite lamang at hindi tunay na larawan. EUNICE C.
Comments are closed.