MAKARAAN ang halos isang taon na pagluluksa at paglalaban ukol sa pagpaslang sa kanilang magulang, nakamit na ng pamilya ni dating Dipaculao, Aurora vice mayor Narciso Amansec ang hustisya ngayon na tinuldukan na ng Commission on Elections (Comelec) ang desisyon nito na tanggalin sa puwesto si Aurora Vice Governor Gerardo Noveras.
Sa inilabas na resolusyon kahapon, ibinasura ng Comelec en banc ang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Noveras.
Hindi nakaharap si Amansec sa preliminary hearing ng Comelec noong Nobyembre 2022 na kung tutuusin ay maaaring magresulta na agad sa pagdiskwalipika ng kanyang petition, subalit nagpasya ang Komisyon na maglabas pa rin ng kanilang desisyon na nakabase sa merits ng kaso dahil hindi maaaring isantabi lamang ang mga kaso ng matinding paglabag sa batas eleksyon ng bansa dahil lamang sa isang technicality.
“However, strict adherence to procedural rules should not operate to shackle the Commission’s efforts to deter and punish the egregious disregard of prohibitions under our substantive electoral laws,” anang Comelec sa kanilang desisyon.
As to the material allegation that Noveras committed acts in violation of Section 261(e) of the Omnibus Election Code, the COMELEC en banc ruled that he can be disqualified pursuant to Section 68 thereof for the commission of a fraudulent scheme in indirectly compelling Mr. Tecuico to perform acts beyond the scope of his work in furtherance of his candidacy,” dagdag pa ng Comelec.
Maalala na noong April 26, 2022, kinasuhan ni Amansec si Noveras sa Comelec dahil sa kanyang paggamit ng kanyang posisyon bilang gobernador para magamit ang mga pasilidad at kagamitan ng probinsya para sa kanyang kampanya bilang vice governor sa 2022 national and local elections (NLE).
Tumakbo bilang kandidato para vice governor si Amansec sa 2022 NLE laban kay Noveras na tapos na ang termino bilang gobernador.
Si Amansec mismo ang nakakita ng pag- imprenta ng mga tarpaulin at iba pang mga campaign materials ni Noveras sa loob ng Aurora Training Center compound.
Sa unang desisyon na inilabas ng Comelec sa kaso ni Noveras, nakakita sila ng sapat na ebidensya para mapatunayan na ginamit ni Noveras ang kanyang posisyon bilang gobernador ng Aurora para gamitin ang pondo ng probinsya para sa kanyang kandidatura sa 2022 NLE.
Ilang buwan matapos ng kanyang paghain ng kaso laban kay Noveras ay pinaslang si Amansec, ang kanyang asawang si Merlina at kanilang driver ng mga ‘di kilalang mga suspek sa loob ng kanilang sinasakyang pick-up sa Barangay Dibatunan.
Sinabi ng Comelec na pinuwersa ni Noveras ang mga tauhan niya sa probinsya para mag- imprenta ng kanyang campaign materials na labag sa batas eleksyon ng Pilipinas.