(Hustisya nakamit ni dating Vice Mayor Narciso Amansec) AURORA VICE GOVERNOR DINISKWALIPIKA NG COMELEC

Diniskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) si Gerardo Noveras bilang Vice Governor ng lalawigan ng Aurora dahil sa sinasabing pag-abuso nito sa kanyang posisyon kaugnay ng kanyang pagtakbo sa lokal na eleksiyon noong 2022.

Sa 29-page resolution ng Comelec First Division, binigyang-diin na may matibay na basehan ang mga alegasyon ng petitioner na si Narciso Amansec laban kay Noveras. Sa naturang resolusyon, lumabas na lumabag si Noveras sa isinasaad ng Sec. 261(d)(1) ng Omnibus Election Code.

“Wherefore, premises considered, the Commission (First Division) hereby resolves to grant the instant petition.

Respondent Gerardo “Jerry” Noveras is disqualified,” ayon sa resolution na inakda ni Comelec First Division Presiding Officer Socorro Inting na sinuportahan nina Commissioners Aimee Ferolino at Ernesto Ferdinand Maceda Jr.

Matatandaan na noong April 26, 2022, kinasuhan ni Amansec si Noveras sa Comelec matapos umanong gamitin ng huli ang kanyang posisyon bilang gobernador ng Aurora para magamit ang mga pasilidad at kagamitan ng probinsya para sa kanyang kampanya bilang vice governor sa 2022 national and local elections (NLE). Sa isang video, makikita na nahuli mismo ni Amansec sa loob ng Aurora Training Center compound ang pag-imprenta ng mga tarpaulin at iba pang campaign materials ni Noveras.

Ilang buwan matapos ang kanyang paghahain ng kaso laban kay Noveras, si Amansec kasama ang kanyang maybahay na si Merlina at kanilang driver ay pinaslang ng ‘di pa nakilalang mga supek sa loob mismo ng kanilang pick-up truck sa Barangay Dibatunan.

Mababatid na kumandidato bilang vice governor si Amansec sa 2022 NLE laban kay Noveras na tapos na ang termino bilang gobernador.

Sa inilabas na resolusyon ng Comelec First Division, napatunayang ginamit ni Noveras ang kanyang kapangyarihan bilang gobernador para impluwensyahan ang kanyang tauhan sa provincial government na gamitin ang government property at pondo para sa kanyang kampanya.