SULTAN KUDARAT – BAGO tuluyang inihatid sa huling hantungan ang limang taong gulang na batang babae na ginahasa saka nilunod sa ilog ay nadakip ng mga awtoridad ang salarin nang bumalik ito malapit sa pinangyarihan ng krimen sa lalawigang ito.
Noong nakalipas na Sabado ay inilibing ang batang babae na biktima ng panggagahasa at pagpatay sa Palimbang.
Sa report ng Palimbang Municipal Police Station, nadakip naman nila Biyernes ng hapon ang tinuturong suspek na si Erlie Castro sa Barangay Maguid matapos na mamataan ng mga residente.
Ayon kay Police Major Jerylle Caranay, hepe ng Palimbang Municipal Police, hindi na nagawang makalayo pa ng suspek dahil sa gutom at pagod bunsod nang ilang araw niyang pagtatago sa mga pulis mula nang ilunsad ang manhunt operation laban sa kaniya.
Nakakulong na sa Palimbang Municipal Police Station si Castro, na dati nang nahuli dahil sa kasong pagnanakaw.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na nilublob sa tubig ang batang babae pagkatapos umanong gahasain ng suspek.
Ngayong Lunes ay kakasuhan na ng pamilya ng limang taong gulang na biktima laban kay Castro. VERLIN RUIZ
Comments are closed.