NANAWAGAN ng panalangin ang parish priest ng Jolo Cathedral o Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu sa mga mananampalataya para sa mga biktima ng pagpapasabog ng naturang simbahan.
Ayon kay Rev. Fr. Jefferson C. Nadua, OMI, dapat na mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng pagsabog na naganap sa simbahan habang isinasagawa ang banal na misa.
Ipinapanalangin din ng pari ang kaligtasan ng lahat ng mga mananampalataya sa lalawigan.
Umaapela ng dasal si Nadua, hindi lamang para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat ng mga mamamayan kundi maging para sa pagkamit ng katarungan at pagpapanagot sa mga nasa likod ng pagpapasabog sa loob ng Simbahan.
“Medyo magulo pa ang utak ko ngayon, pero we pray for the safety of those who are wounded and we pray for na sana walang casualties sa mga parishioners natin na nandoon then we’ll see to it to bring justice doon sa nangyari sa kanila, so far ‘yun lang muna dahil medyo magulo pa. Pray for us…” pahayag ng pari, sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa inisyal na ulat, dalawang pagsabog ang naganap sa Jolo Cathedral pasado 8:00 ng umaga sa kasagsagan ng Banal na Misa.
Ayon sa Philippine National Police – ARMM, naganap ang dalawang pagsabog sa entrance at sa loob mismo ng Simbahan.
Batay sa pinakahuling tala, umaabot na sa 19 ang nasawi sa naganap na pagsabog habang nasa mahigit 45 naman ang sugatan.
Ayon sa Catholic Directory of the Philippines, aabot sa 29,500 ang bilang ng mga mananampalatayang Katoliko sa Apostolic Vicariate of Jolo mula sa mahigit 1.7 milyong kabuuang populasyon sa lugar. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.