UMAASA ang Philippine Oveseas Employment Administration (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na mabibigyan ng hustisya sa lalong madaling panahon ang pagkamatay ng isa pang Filipina domestic helper sa Kuwait.
Ito ay makaraang kumpirmahin sa kanila ng Kuwaiti government na nakakulong na ngayon ang mag-asawang Kuwaiti na amo ng nasawing si Jeanelyn Villavende.
Inihayag ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac sa kalatas na ibinahagi sa kanya ni Kuwaiti Ambassador to the Philippines Musaed Saleh Ahmad Althwaikh na nakakulong na ang mag-asawang suspek.
Ayon kay Cacdac, inaasahang tatagal ng anim hanggang pitong araw ang imbestigasyon sa kaso ng pagkamatay ni Villavende bago pormal na maisasampa ang kaso laban sa mga suspek.
Posible umanong madiin sa kaso ang babaeng amo ng biktima dahil mismong ang lalaking amo ang nagpahayag na ang kaniyang misis ang bumugbog kay Villavende.
Subalit umaasa ang OWWA na maging ang POEA na masasampahan din ng kaso ang lalaking amo dahil naniniwala silang hindi lang isang tao ang may gawa ng pagmamaltrato kay Villavende na nauwi sa kamatayan nito.
Kasalukuyan nakikipag- ugnayan na ang OWWA sa Department of Foreign Affair para sa repatriation ng labi ng OFW na umano’y nakade-pende rin sa bilis ng magiging takbo ng kaso.
Samantala, pinangangambaha ni Labor Secretary Silvestre Bello III na umabot muli sa pagpapatupad ng total deployment ban sa Kuwait ang panibagong kaso ng pagpatay sa OFW.
Una nang inihayag ng DOLE ang paglalabas ng partial deployment ban sa nasabing bansa.
Isinaalang-alang umano rito ang trabaho ng iba pang manggagawa at ang magiging tugon ng Kuwaiti government sa hakbang ng Filipinas.
Sakop ngayon ng ban ang mga baguhang manggagawa para sa naturang bansa, habang ang mga umiiral nang kontrata ay hindi maaapektuhan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.