HUSTISYA SA PINATAY NA BROADCASTER

UNA  nang tiniyak ng Philippine National Police na mabibigyan ng hustisya ang pagpaslang sa isang hard- hitting radio broadcaster sa Oriental Mindoro.

Kasunod nito ang pahayag ng binuong Special Investigation Task Group na tumututok sa imbestigasyon sa paglikida kay Cresenciano Bunduquin, 50 anyos, na may person of interest na silang tinututukan.

Sinasabing may natukoy ng person of interest ang mga homicide probers ng Oriental Mindoro Police Provincial Office na kakilanlan ng riding in tandem killer na bumaril sa broadcaster sa tapat ng kanyang sari-sari store sa C5 road, Brgy. Sta. Isabel, Calapan City.

Magugunitang nakatakas ang isang salarin habang namatay naman ang isa pang gunman nang bundulin sila ng anak ni Bunduquin ng kanyang sasakyan habang ang mga ito ay papatakas.

“Sa ating mga nakuhang ebidensya, mayroon po tayong positive na person of interest na na-indentify. Mamaya po, kukuhanan namin ng salaysay iyong dalawang witness,” pahayag ni Oriental Mindoro Provincial police chief Col. Samuel Delorino sa media.

Naniniwala ang mga awtoridad na oras na positibo itong makumpirma ng dalawang testigo ay maaari nang magbigay daan ito para maresolba ang kaso at makapaghain ng kaukulang demanda sa lalong madaling panahon.

Kaugnay nito, inihayag ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., na lubhang maaga para sabihing work-related ang motibo sa krimen.

Ayon kay Gen. Acorda, lahat ng anggulo ay kanilang titingnan upang matukoy ang tunay na dahilan sa pagpatay sa broadcaster.

Pahayag naman ni Mimaropa Regional Director Police Brig. General Joel Doria na gagawin nila ang lahat para makamit ang hustisya sa pagpatay sa biktima

Nanawagan si Doria sa publiko lalo na sa nakaaalam ng impormasyon tungkol sa insidente na makipagtulungan sa mga awtoridad.

Una na ring tiniyak ni PIO Chief at Presidential Task Force on Media Security focal person PBGen. Red Maranan na mahigpit na tutukan ng PNP ang progreso ng kaso na pinaniniwalaang isolated case lamang. VERLIN RUIZ