HUSTISYA SA PNP-SAF 44 MAILAP PA RIN

PINANGUNAHAN kahapon nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Interior and Local Government Secretary Atty Benhur Abalos ang paggunita sa ika-9 na anibersaryo ng ‘Mamasapano massacre’ o kabayanihan ng 44 miyembro ng PNP Special Action Force commandos, sa Camp Castañeda, Silang Cavite.

Siyam na taon na ang nakalipas nanatiling mailap pa rin ang hustisya para mga kasapi ng SAF 44 na sinasabing isinakripisyo para lamang madakip si Malaysian terrorist Zulkifli Abdhir alias Marwan at Filipino terrorist, Abdul Basit Usman..

“The defiant stand of the Brave 44 still echoes today. It is a clarion call for unity and action against any challenge we might face,” pahayag ni Pangulong Marcos sa ginanap na SAF 44 National Day of Remembrance ceremony at Camp General Mariano Castañeda.

Ayon kay PBBM; alam niya na a hanggang ngayon ay nagluluksa pa rin ang pamilya ng SAF 44 na patuloy na umaasam ng katarungan kaya’t hangad nitong makabawas sa kanilang nararamdaman ang pakikiramay ng buong bansa.

Sa kaniyang talumpati, hinimok ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino na huwag ibaon sa limot ang kabayanihan at sakripisyo ng Special Action Force (SAF) 44 para sa bansa.

Ang pagbuwis aniya ng buhay ng mga ito ay isang utang na hindi kayang bayaran ng bansa kahit pa sa mahabang panahon, kung kaya’t huwag sanang pababayaan ang kapayapaan na ipinaglaban ng mga ito.

Ginagawa ang Day of National Remembrance para SAF 44, tuwing January 25 taun-taon, mula nang iproklama ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 164.

Matatandaang nasawi ang 44 SAF troopers sa inilunsad na as “Oplan Exodus” sa bayan ng Tukanalipao Mamasapano, Maguindanao target ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman noong Enero 25, 2015.VERLIN RUIZ/EVELYN GARCIA