NANINIWALA si Philippine National Police (PNP) Chief, General Debold Sinas na nakamit na ng mga bayaning 44 PNP-Special Action Force ang hustisya.
Sa kaniyang mensahe sa ika-anim na anibersaryo ng Mamasapano massacre o mas kilala sa brutal na pagpaslang sa 44 police commandos, sinabi ng heneral na agad nakamit ng mga biktima ang hustisya habang kinilala ang kanilang kadakilaan.
Kasabay ng pagkilala sa pagiging bayani ng SAF 44 ay ang patuloy na benepisyong natatanggap ng mga naulila ng mga ito.
Kabilang ang pagpapaaral sa mga anak, pagtanggap ng tamang benepisyo, pabahay habang minomonitor din ng national headquarters ang pangangailangan ng mga naulila ng mga ito.
Isa si Roselle Nacino, ang biyuda ng isa sa police commando, ang nagpatunay na patuloy silang nakatatanggap ng ayuda sa pamahalaan subalit patuloy pa rin aniya siya at ang katulad niyang naulila na naghahangad ng hustisya sa pagkamatay ng kanilang mister.
Ang Enero 25 ay idineklarang National Day of Remembrance para sa 44 SAF troopers na brutal na pinaslang ng ekstremistang Moro noong Enero 25, 2015 ng umaga sa Barangay Tukanalikao, Mamasapano, Maguindanao.
Paatras na ang tropa mula sa matagumpay na Oplan Exodus o pag-neutralize sa Malaysian bomb expert na si Bin Zulkipli Abhir alyas Marwan nang mapaligiran ng mga kalaban at brutal na pinaslang.
Pinangunahan ni Sinas ang wreath laying sa SAF 44 Marker sa Camp Bicutan, Taguig City bilang pag-alala sa kabayanihan ng mga police commando.
Bukod kay Sinas ay nag-alay rin ng bulaklak sina DPWH Secretary Mark Villar, SAF Director Maj. Gen. Bernarbe Balba at NCRPO Chief, Maj. Gen. Vicente Danao Jr. EUNICE CELARIO
Comments are closed.