NANAWAGAN ang National Press Club of the Philippines sa Quezon City Police District (QCPD) na madaliin ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso ng pagpatay sa isang TV cameraman na si Sandy Villapando, miyembro ng Bitag Live.
Ayon kay NPC President Rolando Gonzalo, hindi katanggap tanggap ang sinapit na pagpatay sa biktima na minsan na rin niyang nakatrabaho sa Global News Network.
Bukod sa PNP, hiniling din ni Gonzalo na makialam ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa malagim.na sinapit ng nasawing miyembro ng media.
“Tinatawagan ko si PTFoMS Usec. Joel Egco na silipin ang nangyaring karumal-dumal na krimen na sinapit ng kapatid natin sa industriya na si Sandy Villapando para makamit naman ang hustisya sa ating kasamahan,” saad ni Gonzalo sa panayam ng Pilipino MIRROR.
Matatandaang nitong Hulyo pa nang simulang nawala at pinaghahanap ng pamilya ang biktima sa bahagi ng Commonwealth kung saan natagpuan na lamang ang kanyang naiwang sasakyan sa lugar na di kalayuan sa kanyang bahay at kamakalawa lamang nang mapabalitang nasa isang punerarya sa Novaliches QC ang labi ng biktima na sinasabing pinahirapan muna bago mapatay.
Nauna na ring nagpahayag ang TV Host ng Bitag na si Ben Tulfo na kanyang ikinalulungkot ang naganap na pangyayari at magsasagawa rin sila ng sariling imbestigasyon sa naturang kaso.
Naoag-alamang bukod sa pagiging cameraman ng Bitag, napabalitang undercover din ang biktima o asset ng ilang pulis kung kayat tinitignan din ito ng mga awtoridad. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.