ISABELA – LUBOS na nagdadalamhati ang buong pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) nang malaman ang sinapit ng kaanak na si Alma Cristobal na nahulog sa ikaanim na palapag ng gusali habang ito ay nagsasampay.
Bago nangyari ang insidente, nakatawag pa umano sa pamilya nito na nagsasabing hindi na umano maganda ang trato sa kanya ng kanyang amo, at bihira na umano siyang pakainin, at ayaw ibigay sa biktima ang kanyang pasaporte.
Ayon sa isang saksi na isa ring OFW na nakatira sa kabilang gusali, bago nahulog si Cristobal sa gusali ay nakita niya umano na nagsasampay ng mga nilabhang mga damit ang biktima na nasa bandang likuran nito ang kanyang amo.
Dahil dito, nagduda ang kapamilya ni Cristobal na hindi talaga ito aksidenteng nahulog sa itaas ng gusali, dahil sa may nakakita umano na isa ring OFW na nasa likod ng biktima ang kanyang amo habang nagsasampay ng mga nilabhang damit.
Maaaring abutin ng tatlong linggo bago maiuwi ang bangkay ni Alma Cristobal sa kanilang bahay sa San Andres, San Mateo, Isabela.
Sinabi ni Gng. Marilyn Cristobal Orpia na inaasikaso ng isa nilang kapatid na nasa Lebanon din ang pag-uwi ng labi ni Alma. IRENE GONZALES
Comments are closed.