MATAPOS ang apat na taon ay hustisya pa rin ang isinisigaw ng mga pamilya ng mga nasawing miyembro ng Philippine National Police – Special Action Force at maging ng mga opisyal na nasibak dahil sa madugong Mamasapano carnage.
Kahapon ay inalala ng buong pambansang pulisya ang ikaapat na taong pagkasawi ng apatnapu’t apat na miyembro ng Special Action Force o tinaguriang SAF 44 habang nasa “Oplan Exodus” sa Mamasapano, Maguindanao.
Magsisilbi ang tropa ng warrant of arrest laban sa mga terorista kabilang na si Marwan, nang mamasaker ang mga SAF Trooper.
Sa Camp Bagong Diwa sa Taguig, pinangunahan ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Oscar Albayalde at National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Guillermo Eleazar ang “Day of National Remembrance” para sa SAF 44.
Subalit para sa pamilya ng mga nasawing pulis ay nananatili pa ring mailap umano ang hustisya para sa mga naging biktima nang tinaguriang Mamasapano massacre.
Ayon kay dating SAF chief Getulio Napeñas, na hindi lang ang SAF 44 ang humihiyaw ng hustisya kundi silang mga dating opisyal ng law enforcement agencies na na-dismiss sa serbisyo at hindi nabigyan ng mga karampatang benepisyo.
Ayon sa dating SAF chief, tumalima lamang sila sa utos ng commander-in-chief na si dating Pangulong Benigno Aquino III at hindi nila hinangad na mamatay ang kanilang kasamahan.
Sa paggunita sa SAF44 massacre ay umaasa si Napeñas na muling mabuksan ang naturang isyu at sana raw matupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pangako noon pang 2016 na mas paiigtingin pa ang imbestigasyon.
Nabatid na pansamantalang ipinatigil ng Korte Suprema ang pagdinig sa kaso dahil nais ng pamilya ng mga biktima na mas mataas na kaso ang isamapa laban kina dating pangulong Aquino at Ex PNP Chief Allan Purisima sa halip na usurpation of authority lang at graft ay ipasakdal sila ng reckless imprudence resulting to multiple homicide.
Kahapon sa isang panayam, inihayag din ni PNP Board’ of Inquiry chief at dating pinuno ng PNP-CIDG Benjamin Magalong ang kanyang pagkadismaya sa isinagawang probe na hindi rin nabigyan ng closeur ang kaso.
Partikular na nais na mabigyang linaw ni Magalong ay kung bakit hindi nagbigay ng artillery support ang AFP, ano talaga ang nasa likod ng nangyaring car bomb sa Zamboanga na inunang puntahan ni Pangulong Aquino, at paglalantad sana ng thread of conversation sa pagitan nina Aquino, Purisima at iba pang sangkot na opisyal.
Dismayado rin umano si Magalong sa katakot-takot na pressure at impluwensiyang pinairal sa loob ng isang buwang imbestigasyon na ipinagkaloob sa kanya para tapusin ang pagsisiyasat.
Inaasahan ng dating opisyal na sa ilalim na Duterte administration ay maibibigay na ang hustisya at mayroon ng mapananagot sa pagkamatay ng SAF 44.
Nagkaroon ng wreath–laying ceremony, at dumating din ang ilang kaanak ng mga yumaong SAF member sa pagtitipon.
Bukod dito ay pinasinayaan ang bagong SAF 44 memorial, na magsisilbing permanenteng alaala sa kabayanihan ng mga commando.
Ayon kay Albayalde, huwag sanang makalimutan ng mga tao ang sakripisyo ng SAF 44 na nagbuwis ng buhay laban sa mga terorista. VERLIN RUIZ
Comments are closed.