HUWAG DAPAT GUMAMIT NG SIRANG PLAKA ANG OPOSISYON

MARAHIL  ang millennials ay hindi alam kapag tinawag ka na ‘sirang plaka’. Ito ay noong panahon kung saan ang mga awitin ay mapapakinggan sa pamamagitan ng tinatawag na ‘vinyl records’. Ito ‘yung mga tawag noon na plaka at gagamitan mo ng turntable. Dalawang kategorya ito. May LP o long playing album kung saan halos walo o sampung awitin ang iyong mapapakinggan o kaya naman ay 45 o single na may dalawang awitin lamang magkabila.

Kapag ang mga nasabing plaka ay sobra sa gamit at hindi maganda ang pangangalaga, nagkakaroon ito ng mga gasgas na sanhi ng paulit-ulit ang titik. Dito nag-ugat ang salitang ‘sirang plaka’.

Ganito ang nangyayari ngayon sa oposisyon sa kanilang estratehiya sa pambabatikos sa kasalukuyang nangunguna sa presidential survey para sa halalan sa susunod na taon na si Bongbong Marcos.

Samu’t-sari ang mga akusasyon at kritisismo laban sa kanya sa pag-uugnay sa umano’y mga katiwalian na nagawa ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos. Karamihan sa mga binibitawang isyu ng mga oposisyon o dilawan (na ngayon ay nag-iba na ng kulay kuno) laban sa pamilya Marcos ay hindi nagbago, tatlong dekada na ang nakalipas. Opo. 30 years!

Ano naman ang nangyari sa ating bansa sa loob ng tatlong dekada kung saan namamayagpag ang mga namuno sa ating bansa na galit na galit sa mga Marcos? Mula noong 1986 EDSA Revolution, ang asawa at anak ni Sen. Ninoy Aquino ay naging pangulo ng ating bansa. Ito ay sina Corazon Aquino (1986-1992) at si Noynoy Aquino (2010-2016). Hawak na nila ang kapangyarihan subalit tila hindi sapat ang mga katibayan ng mga akusasyon nila laban sa pamilya Marcos.

Ang sambayanan ay nakinig, naniwala at umasa sa mga pangako ng mga dating opisyal ng ating gobyerno ng kapayapaan, pag-angat sa kabuhayan, paglago ng ekonomiya, sapat na produksyon ng pagkain, murang pabahay, modernisasyon ng transportasyon, pagbaba ng krimen at higit sa lahat WALA NG KORUPSIYON. Ito ang ipinangako ng lahat ng mga pulitiko natin na sumakay sa popularidad ng pagkamatay ni Ninoy Aquino sa sambayanan. Ang tanong, asan na tayo ngayon? Natupad ba nila ang kanilang mga pangako?

Kaya naman, hindi kataka-taka na kahit ano mang isyu at batikos na ipinupukol nila kay Bongbong Marcos upang bumaba ang kanyang survey sa presidential race ay hindi epektib. Parang na-umay na ang sambayanan sa ganitong estilo ng oposisyon. Marahil ay hindi sang ayon ang mga dilawan, kulay pink at mga militante sa sinasabi ko. Subalit malinaw ito sa mga resulta ng survey.
Ang mga grupo ni Leni ay dapat mag-isip na ang ugaling paninira sa kapwa ay hindi na tinatangkilik ng sambayanan. Tignan ninyo ang nagyari noong nakaraang halalan? Sa walong kandidato ng oposisyon para sa Senado, walang nanalo ni-isa sa kanila. Pati ang mabigat nilang manok na si Mar Roxas ay hindi nanalo. Kung nais ng oposisyon na tumaas ang pag-asang manalo sila, kailangan ay palitan nila ang estratehiya.

Ayon sa pinakabagong datos ng COMELEC, tinatayang magiging 52% ang boto ng mga kabataan sa susunod na eleksiyon. May 60.46 million registered voters para sa susunod na halalan. May 31.41 million voters ang nasa age group ng 10-40 ang edad na nasa kategorya ng youth vote.

Marahil ang mga estudyante ang maaaring pagtuunan ng posisyon upang makuha nila ang mga ito.

Subalit dapat ay hindi poot at galit laban sa isang kandidato ang dapat nilang iharap sa mga ito. Ang kailangan ng mga kabataan maramdaman at maniwala na may pag -asa silang makakamtan sa kalagitnaan ng pandemya. Ano ang maibibigay ng mga nais mamuno sa ating bansa sa loob ng anim na taon? ‘Yan ang kailangan na pagtuunan ng mga kandidato imbes na pulos paninira sa mga Marcos na paulit-ulit tulad ng sirang plaka. Magpakita kayo ng plataporma!