HUWAG IPAGWALANG-BAHALA ANG RABIES

MARAMI pa rin ang nagiging biktima ng rabies sa bansa.

Sa katunayan, tumaas ng 23% ang kaso ng rabies sa bansa nitong Setyembre kumpara noong 2023.

Batay ito sa ulat ng Department of Health (DOH),  kung saan mayroon nang naitalang 354 kaso sa buong bansa, mas mataas ito kumpara sa datos noong nakaraang taon na may 287 lamang.

Batay sa datos, sampung rehiyon ang nagtala ng pagtaas ng kaso ng rabies sa bansa noong mga nakaraang buwan, kabilang ang National Capital Region; Ilocos Region; Cagayan Valley; Bicol Region; Central Visayas; Eastern Visayas; Zamboanga Peninsula; Northern Mindanao; Davao Region; at SOCCSKSARGEN.

Kaya naman humihirit ang Department of Agriculture (DA) ng karagdagang budget allocation para sa malawakang animal vaccination program upang mapuksa ang rabies. 

Mahalagang mabakunahan ang mga alagang aso at pusa upang magakaroon ang mga ito ng proteksiyon laban sa rabies virus.

Paalala naman ng DOH sa publiko,huwag ipagwalang-bahala ang anumang kagat o kalmot ng anumang hayop dahil ang rabies ay nakamamatay kung hindi agad mabibigyan ng tamang lunas.

Kung nakagat o nakalmot ng pusa o aso, agad magpunta sa pinakamalapit na animal bite center upang mabakunahan.