HUWAG IPASA ANG SALA

MARUMI ang pulitika, hindi lamang sa Pilipinas kundi, all over the world.

Kaya naman hindi masisisi na nais ng iba ay mga balita tungkol sa ne­gosyo, sports, education, current events at sa showbiz.

Sa mga nakalipas na araw, punum-puno ng political issues ang ating pamahalaan na nauuwi sa mga iringan.

Nakakalungkot na dahil sa sariling interes, nakakalimutan na ang moralidad at ang mahalaga ay makapuntos na lamang.

Dahil sa magkaiba ng interes, labanan ng patutsadahan, bulgaran ng mga dating napagkasunduan naman at panay batuhan ng mali.

Hindi man direktang paniniral kinokondisyon ang isipan ng publiko lalo na ng botante sa kanilang mga aksyon.

Natural lamang ang bangayan sa pulitika, pero nakakalungkot na ang kanilang pukulan ng masasamang salita at mga aksyon ay nakikita ng kabataan.

Dahil mismong sa telebisyon, radyo, social media at pahayagan ay mala­yang masasaksihan ng kabataan ang estilo ng paninira  sa kapwa.

So ano nang mindset ang maiiwan sa kabataan.

Na okay lang magbastusan sa harap ng publiko at mag-away.

Pero ito ang pinakamasaklap sa lahat, ang hindi pagkakasunduan ng da­lawang indibidwal at grupo ay kanilang personal interest para sa kanilang buhay pulitika.

Subalit sa tindi ng kanilang banga­yan, ang lider ang pinagbubuntunan ng mga nanonood sa bangayan ng dalawang magkalabang indibidwal.

Hindi ba unfair ito?

Umaasa kaming mahusay na sa obserbasyon ng publiko, at alam na nilang magdesisyon sa 2025 elections.