HUWAG ISISI SA KAHIRAPAN

BAGAMAN tunay na nararanasan ang kahirapan sa bansa, hindi ito dapat gawing excuse upang gumawa ng masama.

Isa itong katotohanan dahil ang kahirapan ang idinadahilan ng ilang magulang kung bakit isinasadlak nila sa sexual exploitation ang mga anak na menor de edad.

Patuloy ang paglobo ng kaso ng online sexual exploitation of children o mga kabataang nasa edad zero hanggang 17 na nabibiktima ng pag-aabusong sekswal.

Ito ang kinumpirma ni Undersecretary Angelo Tapales, Executive Director Council for the Welfare of Children sa isang panayam at sinabing ang populasyon ng Pilipinas noong 2020 ay nasa 109 milyon, at 39 milyon o 36% ay kabataan.

Lumabas sa pag-aaral na 37% ng mga bata ay nakakausap ang isang stranger sa pamamagitan ng social media habang 30% ang nakatatanggap ng sexual material at 50% naman ang nakatatanggap ng sexual content.

Labis itong nakababahala dahil batay sa pag-aaral, ang mga biktima ay nasa edad 0 hanggang 17.

Kahit walang physical contact, malaki ang epekto nito sa isang bata, lalo na sa kanyang mentalidad.

Dadalhin niya ang karanasan sa paglaki at pagtanda lalo pa’t mga magulang niya o kasama niya sa bahay ang nagsadlak sa kanya sa nakaririmarim na aktidibad.

Lumitaw rin kasi sa pag-aaral na ang mga magulang pa, o guardian ang nagtutulak sa mga kabataan sa online sexual exploitation at ang dahilan ay upang magkaroon ng pagkakakitaan habang sinisisi ang kahirapan.

Huwag naman ganyan. Huwag gawing alibi ang kahirapan, sa halip, magbanat ng buto upang umayos ang pamumuhay.