HINDI maitatatwa na marami pa ring mahihirap na Pilipino ang lubog sa utang.
Kumakapit sila sa patalim dahil sa kahirapan.
Sa mga nagpapautang bumabagsak kahit pa sobra-sobra ang tubo dahil wala na silang masulingan.
Wala nang ibang malalapitan at wala na rin namang magagawa kundi tanggapin ang katotohanang ito.
Pikit-mata silang nagbabayad ng malaking interes.
Ang ganitong kalagayan ng mga mahihirap ang isa sa mga tinarget na baguhin ni Pangulong Rodrigo Duterte nang manalo siya sa May 2016 presidential polls.
Para sa Pangulo, mali ang ginagawa ng mga Indian national na nagpapa-“five-six” sa mga Pinoy.
Sobra-sobra nga naman ang tubo o umaabot ng 20 percent.
Ang ilang Indian na nagpapa-“five-six” ay pinipilit pa raw na pabilhin ng tinitindang refrigerators ang Pinoy kahit na wala namang koryente.
Nagbabala agad si Tatay Digong na ipade-deport ang mga Indian national na gumagawa nang ganitong praktis na ubod ng taas ang interes.
Bagama’t nabawasan ang bilang ng mga nagpapautang, tuloy pa rin naman daw hanggang ngayon ang negosyong “5-6” ng ilang Bombay.
Kakaibang loan scheme naman ang natuklasan ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS).
Kaya pinaiimbestigahan ni ACT-CIS Party-list Rep. Rowena Niña Taduran sa Kongreso ang sinasabing illegal profiteering ng ilang Land Bank of the Philippines (LandBank) insiders na nag-o-operate daw bilang “agents” o “go-betweens” sa loan applications.
Sa isang resolusyon, inihirit ni Taduran sa liderato ng Kamara na silipin ang inaalok na mabilis na loan approval sa LandBank kapalit daw ng 10-percent portion ng kabuuang halaga ng loan.
Nag-ugat daw ito sa reklamo ni Alberto Ching, presidente ng American Boulevard Trading Corp., na nabiktima rin ng P50-million loan.
Ang masaklap, kahit natanggap na ng bank insiders ang kanilang “cut” ay hindi pa rin daw nai-release ang malaking bahagi ng inutang ni Ching.
Dahil nga raw sa nangyari, hindi nabayaran ng American Blvd. ang kanilang suppliers at creditors habang napilitan din itong magsara
Bago raw naghain ng resolusyon si Taduran, lumiham muna ito sa LandBank officials ukol sa usapin.
Ipinabatid daw ng bangko sa kongresista na naglunsad na sila ng imbestigasyon sa usapin.
Naging dahilan din daw ito para masibak ang ilang empleyado habang nahahaharap din ang mga ito sa kaukulang reklamo.
Para kay Taduran, masakit ito sa panig ng American Blvd. dahil hindi man lang daw ito inalok ng LandBank ng kompensasyon dulot ng “irreparable damage” o pinsalang idinulot nito sa kanila.
Matindi ang akusasyong ito.
Ang LandBank ay isang government-owned financial institution at kapag napatunayang totoo ang loan scheme ay maaaring mabawasan daw ang tiwala ng publiko sa banking system.
Dapat siliping maigi ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang akusasyong ito.
Sa palagay ko, “isolated incident” lang naman ito.
Hindi tayo dapat mawalan ng kumpiyansa sa buong banking sector.
Maliban dito, hindi rin sila dapat nilalahat dahil marami pa namang bangko na maayos ang sistema sa pagpapautang.
Tandaan na ang pag-a-apply ng loan sa bangko ay bukas para sa lahat o walang diskriminasyon dito.
Kapag may mga ganyang isyu, mas pinipili tuloy ng ilan na mangutang na lang sa loan sharks o “5-6”.
Naku, tandaan na mas mababa ang interes sa bangko kumpara sa mga ino-offer nila.
Sa loan sharks, kung hindi ako nagkakamali, ang interes ay naglalaro mula 5 percent hanggang 20 percent kada buwan habang sa bangko naman ay nasa 8 percent hanggang 15 percent lamang kada taon.
Ang mahalagang gawin ay alamin ang karapatan mo at maging ang katotohanan bago ka manghiram sa bangko.