RESPETUHIN natin ang pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Maaaring maingat at planado ng Bise Presidente ang naging hakbang habang tiyak na kinonsulta nito ang mga tapat na kaibigan bago magsumite ng resignation.
Tahimik ang Malacanang hinggil sa pagkalas ni VP Sara at pinasalamatan at kinilala ang malaking naging ambag sa Department of Education at maging sa National Task Force To End Local Armed Conflict.
Kaya dapat respetuhin ng taumbayan ang ginawa ni VP Sara at huwag mag-isip na lalaban ito sa kasalukuyang administrasyon.
Dahil kung pag-aaralan ang kanyang mga “move” personal niyang ibinigay kay PBBM ang letter of resignation na isang magandang trato at mataas na respeto sa Pangulo.
Mismong ang Malacanang din ang nag-anunsiyo ng malaking balita at hindi si VP Sara.
Sa huli, wala ring narinig na negatibo sa dalawang panig at dapat na lamang na ituring na wakas na ang layunin ng 2022 uni-team nila, at iyon nga ay maipanalo nila ang kanilang tandem.
Isa lang ang malinaw sa ngayon, some good things never last.
Ngunit sa sitwasyon nina PBBM at VP Sara, naniniwala kaming may magandang dahilan ang lahat at dahil parehong may magandang puso at hangad ng serbisyo publiko ang dalawa, hindi man magkasama sa partido o grupo, kapwa sila maglilingkod nang tama sa mamamayang Pilipino.