HUWAG MAG-PANIC

PINAYAPA ng Department of Health ang publiko sa pangambang lockdown ngayong kumakalat ang ulat kaugnay sa pagtaas ng kaso ng Human Metapneumovirus (hMPV) sa ibang bansa, partikular sa China.

Mismong  ang World Health Organization (WHO) ang nag-ulat na  tumataas ang kaso ng respiratory infections, kabilang ang Respiratory Syncytial Virus (RSV) at Human Metapneumo­virus (hMPV) kamakailan.

Taong 2001 pa nang madiskubre ang HMPV ng Dutch researchers sa Netherlands.

Hindi na bago ang sakit na ito kung tutuusin, subalit hindi maiaalis ang pag-aalala sa publiko dulot ng matinding sinapit sa panahon ng lockdown sa COVID-19 kung saan marami ang nasawi.

Buwan ng Enero rin noong 2020 nang magsimulang pumutok ang pagkalat ng COVID-19 sa China.

Pangamba ng marami na makarating ito sa Pilipinas at magkaroon ulit ng hawahan.

Sa halip na matakot ay maging handa, palakasin ang resistensiya, maging maingat sa pakikisalamuha at higit sa lahat ay manalangin para sa proteksiyon ng Dakilang Lumikha.