HUWAG MAGMAKAAWA SA KUWAIT

ANG Kuwait ay kilalang receiving country na talamak at karumal-dumal ang mga pang-aabuso.

Kung maaalala, malagim ang sinapit ng overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara, 34.

Natagpuan ang sinunog na labi ng Pinay sa disyerto.

Hinihinalang ni-rape at sinagasaan ang domestic worker bago sinilaban at itinapon sa lugar.

Anak ng kanyang amo ang pangunahing suspek sa pamamaslang.

Ang masaklap pa, buntis daw si Ranara nang paslangin.

Si Ranara ay isa lamang sa mahaba-habang listahan ng mga biktima sa Kuwait ng malagim na krimen.

Kasama rito si Joanna Daniela Demafelis, 29, na nakita ang bangkay sa freezer habang kapwa mga biktima naman ng sekswal na pang-aabuso sina Ma. Constancia Lago Dayag, 47, at Jeanelyn Villavende, 26.

Nakapagtala ang Philippine embassy sa Kuwait ng may 6,000 kaso ng pang-aabuso, sexual harassment, at rape noong 2017.

Isipin n’yo na lang, hindi pa kasama rito ang libo-libong kaso ng pang-aabuso sa OFWs sa Gitnang Silangan noong 2020.

Habang umiinog ang mga taon, lalong dumarami ang mga insidenteng ito.

Nagpapatuloy ang mga ganitong krimen hanggang sa kasalukuyan.

Sa isang pag-aaral ng International Labor Organization (ILO) sa sitwasyon ng mga kasambahay na nagtatrabaho sa labas ng bansa, waring ‘invisible’ sila dahil wala naman silang tinig o karapatang baguhin ang kalagayan nila sa kanilang pinapasukan.

Bunga nito, naglatag ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng shelters at iba pang programa para sa OFWs sa Kuwait, bagay na ikinagalit daw ng nasabing bansa.

Hanggang sa noong Mayo 10 ngayong taon, biglang itinigil ng Kuwaiti government ang pagbibigay ng visa sa mga Pilipinong manggagawa.

Siyempre, ikinalungkot at ikinagulat ito ng Department of Migrant Workers (DMW) at DFA.

Ang hakbang daw ay ginawa matapos lumabag ang Pilipinas sa bilateral agreement ng dalawang bansa na itinanggi ni DMW Secretary Susan Ople.

Giit ng Kuwaiti Interior Ministry, tanging ang mga Pinoy na may valid resident visa ang papayagang makapasok at makalabas sa kanilang bansa.

Sa pagpapatigil ng pag-iisyu ng visa, nasa 3,000 manggagawang Pilipino ang apektado.

Ilang beses nang nangako ang Kuwait noon na puprotektahan ang Pinoy workers laban sa mga malulupit na amo.

Subalit makailang ulit na rin silang lumabag sa kasunduan.

Nanganak nang nanganak ang mga krimen na kagagawan ng mamamayan nila.

Tuloy-tuloy ang pagmamalupit at hindi makataong pagtrato sa ating mga kababayan.

Sinisikap naman ng administrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na makipag-usap sa Kuwait hinggil dito.

Mahalagang malaman daw ang tunay na dahilan ng entry ban.

Waring gumaganti naman daw sila sa ikinasa nating deployment ban ng Pinay household workers (HHWs) noong Pebrero ngayong taon.

Gayunman, sa palagay ko, hindi tayo dapat magmakaawa sa kanila para mapanumbalik ang pagbibigay ng visa.

Marami pang bansa na maaaring hantungan at maaasahan ng ating mga kababayan na hindi umaabuso o nangmamaliit sa atin tulad ng Kuwait.

Huwag na nating hayaang madagdagan pa ang bilang ng mga OFW o domestic worker na uuwing tulala sa trauma ng pang-aabuso o kaya’y nasa kabaong.