NAGSIMULA na ang registration ng subscriber identity module o SIM card nitong Martes, Disyembre 27.
Nangangahulugan ito na lahat ng SIM card, prepaid o postpaid man, ay dapat nakarehistro at kailangang gawin sa loob ng 180 araw o halos katumbas ng anim na buwan.
Kung matatandaan, noong Oktubre ngayong taon ay nilagdaan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act.
Paraan ito ng gobyerno para labanan ang lumalaganap na text scams, spams, at iba’t ibang aktibidad na may masasamang layunin o intensiyon.
Para makumpleto ang pagpaparehistro, kakailanganin ang pangalan, address, birthday, kasarian, isang valid government ID, at larawan ng may-ari o nagpaparehistro.
Sakop ng batas ang mga turista na mabibigyan ng SIM card na 30 araw lamang maaaring gamitin.
Dapat nairehistro na ito sa loob ng itinakdang panahon.
Kapag nabigo ay magkakaroon naman daw ng ilang araw na extension.
Pagkatapos ng palugit ay mawawalan na ng signal ang SIM card, hindi na magagamit pa ng user o made-deactivate.
Bago ang aktuwal na pag-arangkada ng SIM registration, nangako ang mga telco na magiging madali ito.
Online lang naman ang pagpaparehistro.
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, tila nabulunan ang sistema sa unang araw ng pagpapatupad ng batas.
Halos lahat ng telco o online platforms nila ay nagkaroon ng aberya.
Habang handa na sana halos ang lahat ay nagkaproblema naman.
Noong sumunod na araw ay naging maayos naman daw.
Ang reklamo ng ilang users, sobrang dami ng rekisitos na hinihingi bago makapagrehistro.
Magandang balita naman ang paglulunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ng isang 24/7 complaint center upang tumugon sa mga isyu at concerns na may kinalaman sa pagpaparehistro ng SIM card.
Maaaring idirekta raw sa complaint center ang anumang concerns sa pamamagitan ng hotline 1326.
At isang araw mula nang ilunsad ito ay wala pa nga lang update ang DICT kung ilan na ang mga nagreklamo.
Itinuturing naman daw bilang test period ang unang dalawang linggo ng implementasyon ng SIM registration.
Sabagay, malayo pa ang tatakbuhin ng SIM registration na ito.
Sa palagay ko, dapat manguna sa information drive ukol sa batas ang mga lokal na pamahalaan.
Tiyak na pahirapan ito sa mga lugar na walang signal ng telco at walang internet.
Medyo madugo ang implementasyon ng batas na ito sa panig ng DICT.
Nawa’y mahanapan agad ng paraan ang glitches o technical issues na nararanasan ng mga subscriber sa platform ng public telecommunications entities (PTE).
Bukod dito, huwag sanang maabuso ang magandang intensiyon ng batas na ito. Dapat ding tiyakin ng mga telco na hindi makokompromiso ang privacy ng kanilang mga subscriber.
Tandaan din na ang pagpaparehistro ng SIM card na may mali o imbentong impormasyon o paggamit ng mga maling pagkakakilanlan ay may katapat na parusang pagkakakulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at multang P100,000 hanggang P300,000.
May parusa rin sa spoofing na anim na taong pagkakakulong o kaya’y multa na P200,000.
Maaaring bumisita sa https://dito.ph/registerDITOpara sa registration concerns ng DITO subscribers habang ang mga subscriber ng Globe Telecom Inc. ay inaanyayahang bumisita sa https://new.globe.com.ph/simreg, at sa https://smart.com.ph/simreg para naman sa Smart users.