HINIMOK ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang publiko na huwag mag-panic sa banta ng Novel coronavirus (nCoV) at sa halip ay manatiling kalmado at makipagtulungan sa gobyerno.
Nanawagan din ang senador na huwag magpakalat ng mga impormasyon sa social media na posibleng magdulot ng takot at pagkabahala ng publiko hinggil sa nasabing karamdaman.
“Huwag tayong magdagdag sa problema. Tulungan natin ang ating kapwa Filipino. Hindi tayo dapat mag-panic, at hindi tayo dapat magsiraan. Huwag tayong mag-spread ng fake news. Huwag tayong magkalat ng takot sa ating mga kababayan,” ani Go.
Sa halip, inimbitahan ni Go, Chairman ng Senate Committee on Health, ang publiko na tumutok sa isasagawang senate hearing bukas araw Martes (Pebrero 4) para malaman ang totoong kalagayan ng naturang virus at ang ginagawang paghahanda ng pamahalaan.
“Ang target ko rito sa committee hearing, pakinggan natin ang lahat, kung paano tayo magtutulungan. Hindi ito yung panahon na magsisihan tayo. Tanungin natin ang mga health officials ano ba ang dapat nating gawin araw-araw, step by step,” pahayag ng bagitong senador.
Maging ang mga bumabatikos kay Sen. Go ay iniimbitahan nito na dumalo sa gagawing pagdinig ng Senado upang maglabas ng saloobin para makatulong sa pagsawata ng NCOV.
“Sa lahat ng bashers d’yan, mga netizens, pumunta kayo doon, magsalita kayo. Batikusin ni’yo doon sa harapan Kung meron kayong idea na makakatulong naman sa ating mga kababayan, you are welcome to participate po sa hearing na ito. Papakinggan kayo doon,” giit ng senador.
Imbitado rin sa hearing na pamumunuan ni Go ang mga health official ng bansa, health experts, airport officials, mga opisyal ng Philippine National Police at Philippine Coast Guard.
Comments are closed.