PINAALALAHANAN ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin ang publiko na huwag magsayang ng pagkain ngayong holidays.
Ang reaksiyon ng kongresista ay bunsod na rin ng pagkakaapruba sa House Bill 7956 o Food Surplus Reduction Act na layong bawasan ang food wastage sa pamamagitan ng donation o recycling ng mga sobrang pagkain mula sa mga food-related businesses hanggang sa mga kabahayan.
Binigyang diin ni Garin na bunsod ng COVID-19 pandemic ay nagkukulang ang supply chain ng pagkain kaya nananatili pa rin ang banta sa food and nutrition security ng bansa.
Ito aniya ang dahilan kaya’t mahalaga na matiyak na walang pagkain ang masasayang ngayong pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Tinukoy rin ni Garin, may-akda ng panukala, ang pangangailangan na matugunan ang kawalan ng sistema ng bansa pagdating sa pagbibigay solusyon sa food waste.
Inihalimbawa ng lady solon na patuloy na napupunta sa dump sites ang mga natirang pagkain sa halip na maaari naman itong i-repurpose para gawing livestock feeds na makakatulong pa sa mga magsasaka.
Batay sa United Nations-Food and Agriculture Organization (FAO), ang food waste ay katumbas ng 8% ng global greenhouse gas emissions bukod pa sa patuloy na pagtaas ng kagutuman at malnutrisyon na umabot na sa 690 million tao sa nakalipas na limang taon. CONDE BATAC
Comments are closed.