HUWAG MAKIALAM

Magkape Muna Tayo Ulit

INUPAKAN ni Pangulong Duterte ang United Nations special rapporteur na si Diego Garcia-Sayan. Sinabi ni Duterte na mas mabuti pa na pumunta na lang siya sa impiyerno o “go to hell” matapos na nagkomento ang opisyal ng UN na nagkaroon umano ng paninindak sa sangay ng ating Hudikatura matapos magdesisyon ang Korte Suprema sa pagkatanggal sa puwesto ni dating chief justice Maria Lourdes Sereno.

Sinabi ni Duterte na hindi dapat at walang karapatan itong si Garcia-Sayan na magsalita o makialam sa mga kaganapan at pangyayari sa ating bansa. Sa totoo lang, ito ang aking napupuna sa mga ibang dayuhan na mahilig makialam sa mga kaganapan ng ibang bansa, lalo na ang mga bansang mahirap.

Ang pakikialam ng Estados Unidos at mga iba pang bansa sa Europa sa mga kaganapan ng Third World countries sa Africa, South America at Asya ay tila nag-ugat noong mga panahon na sila ay itinuturing na mga imperyo sa mundo. Ang mga bansang Great Britain, France, United States, Germany, Spain, Portugal, Belgium at Italy ay naglakbay sa kontinente ng Latin America, Africa at Asya sa hangad na palakihin ang kanilang kaharian, lakas at impluwensiya sa mundo. Ito ay nangayari noong mga panahon ng 15th hanggang 19th na siglo.

Isipin ninyo kung paano nila pinaikot ang mga bansa sa nasabing tatlong kontinente. Sinakop nila ang mga ito. Kitang kita ang impluwensiya nila sa mga kultura, pananalita, arkitekto, pangalan at relihiyon. Ang kapalit nito ay pang-aalipin at pag kurakot nila ng mga natural na yaman. Subalit sa paglipas ng panahon, ang mga dati nilang nalinlang na mga bansa ay nagkaroon na ng  kalayaan. Naging edukado na ang mga tao sa mga bansang ito at hindi na maaaring mauto.

Ipinaliwanag ko ang kasaysayan na ito na maaaring gabay at dahilan sa pakikialam ni UN rapporteur Garcia-Sayan. Ano bang akala niya sa sarili niya? Baka may ugaling imperyo pa rin yata itong dayuhan na ito? Sana ay pag-aralan nilang mabuti ang mga kaganapan sa nangyari sa ating Hudikatura na nagresulta sa pagpapatalsik kay Sereno. Oo nga at inamin ni Duterte na galit siya kay Sereno. Subalit imposibleng madiktahan niya ang mga miyembro ng Korte Suprema upang patalsikin si Sereno.

Dagdag pa rito, kahit saan pa natin tingnan, malinaw na hindi maipaliwanag ni Sereno sa mga kasamahan niya sa Korte Suprema ang maling deklarasyon ng kanyang SALN. Marahil ay nakita ng mga kasamahan ni Sereno sa Kor­te Suprema na malakas ang mga ebidensiya sa impeachment case at inisip nila na maaaring mapulaan at mabahiran ang imahe ng kanilang institusyon. Walang kinalaman si Duterte sa mga kaganapan na nangyari kay Sereno. Ang hindi lang maikakaila ng ating pangulo ay ang kanyang pagkabuwisit sa dating chief justice. Batayan na ba ito upang magbitiw ng komento si Diego-Sayan sa kanyang pagkabahala sa ating Hudikatura?

Malinaw na ang ma­yorya ng mga Filipino ay nasisiyahan at kontento sa pagpapatakbo ni Duterte sa ating bansa. Ang patunay at ebidensya rito ay ang mga lumalabas na survey results ng SWS at Pulse Asia. Masakit at mahirap tanggapin ito ng mga Filipino na hindi gusto ang estilo ng pamamahalan ni Duterte. Marahil ay sanay sila sa kawalan ng disiplina at sa baluktot na diwa ng patriyotismo. Lahat tayo ay nagrereklamo sa korupsiyon, droga at mahinang ekonomiya. Heto na nga at ginagawa ni Duterte na ayusin ang mga suliranin na ito sa pamamagitan ng kamay na bakal. Nasubukan na natin ang mga dating namuno sa ating bansa na pulos politika ngunit tuloy pa rin ang korupsiyon kaya hindi na tayo umasenso.

Ang ating bayan ay hindi tulad ng bansang Japan noong bago sumiklab ang World War 2 na naging banta at panganib sa Asya. Bakit ayaw batikusin ni Diego-Sayan ang China? Dahil ba ito ay isang malakas at maimpluwensiyang bansa na hindi tulad ng Filipinas? Tama lang na pagsabihan ni Duterte si Diego-Sayan na “go to hell”. Wala siyang karapatan na makialam sa ­ating bansa.