HUWAG MONG PATAYIN ANG GANSA NA NANGINGITLOG NG GINTO

rene resurrection

NOONG buhay pa ang tatay ko, itinuro niya sa aming magkakapatid, “Don’t kill the goose that lays golden eggs.” (Huwag mong papatayin ang gansa na nangi­ngitlog ng ginto).  Hango ang kasabihang ito mula kay Aesop, isang pilosopong Griego na nagturo ng mabubuting asal sa pamamagitan ng kuwento.

Heto ang kuwento ng Gansang Nangingitlog ng Ginto, na binigyan ko ng maka-Filipinong pananaw.  Isang araw ay may magsasakang may sakahan na mataba ang lupa.  Ang pangalan niya ay si Juan Magsasaka. Nakakaigi sila sa buhay dahil sa kanyang sipag sa pagsasaka.  Sa kasawiang palad, pumutok ang isang bulkan at natabunan ng lahar at buhangin ang kanyang da­ting mataba at mabungang sakahan.  Naging parang disyerto ang kanyang lupain.  Biglang-bigla, nawala ang kanyang ­tanging ikinabubuhay.  Nang umiyak ang kanyang mga anak dahil sa gutom, wala siyang magawa kundi manalangin, “Panginoon, huwag mo naman kaming pababayaan.  Bigyan mo ako ng pagkakataong kumita para mabuhay ko ang aking pamilya.”

Pagkatapos niyang manalangin, nagpunta siya sa likuran ng kanilang bahay para hulihin ang kanilang kaisa-isang gansa na alagang hayop ng kanyang mga anak.  Ang plano niya ay katayin at lutuin ito para gawing pagkain nila sa araw na iyon.  Nakita niya ang gansa na nagpapahinga sa isang pugad.  Sinabi niya, “Pasensiya ka na, gansa, subalit wala na kaming pagkain.  Ikaw na lang ang aming kakainin para mapatid ang aming gutom.”  Pag-angat niya sa gansa, nagulat siya dahil sa puwetan ng gansa ay may kakaibang itlog.  Sinabi ni Juan, “Aba gansa, ano itong itlog mo?  Bakit kulay dilaw at mabigat na parang bakal?”  Kinilabutan si Juan sa kasabikan.  “Dapat dalhin ko ito sa bayan at ipakita sa isang pawnshop.

Nagmadali siyang nagbihis, nagpaalam sa pamilyang umiiyak, at nagtungo ng bayan.  Pumunta siya sa isang sanglaan.  “Puwede po bang paki kilatis nitong aking itlog at sabihin ninyo sa akin kung ano ito?”  Sinuri ng magsasangla at pagulat na sinabi, “Mama!  Saan ninyo nakuha ito?  Saan galing ito?  24 carat na ginto ito! Gintong lantay!”  Sinabi ni Juan, “Siyanga po ba?  Ano po ang puwede kong gawin diyan?”  Sinabi ng magsasangla, “Aba, kung papa­yag kayo, bibilhin namin ito sa inyo.”  “Magkano ninyo bibilhin iyan?” “Puwede na po ba ng P100,000?”

“Talaga?  Wow!  Hindi pa ako nagkaroon ng ganoong kalaking pera sa tanang buhay ko.  Sige po, ibebenta ko sa inyo ng P100,000.”  Tuwang-tuwa ang magsasangla. Lumabas si Juan mula sa sanglaan na may dalang isang bayong na punompuno ng pera.  Pumunta siya sa palengke at namili ng maraming pagkain at mga kagamitan para sa kanyang pamilya.  Pagbalik niya ng bahay, sinalubong siya ng kanyang pamilyang ­umiiyak. Sinabi niya, “Huwag na kayong umiyak, mayroon tayong maraming pagkain.  Mula ngayon, hindi na kayo magugutom muli.”  Binigyan niya ng maraming pagkain ang kanyang pamilya.  Binigyan ng magandang damit ang kanyang asawa.  Binigyan niya ng magandang laruang truck si Junior.  Binigyan niya ng magandang manyika ang anak niyang si Nene. Nagulat ang asawa niya, “Aba Juan, saan nanggaling ang lahat ng ito?  Nagnakaw  ka ba?”  “Aba hindi, huwag na kayong magtanong kung saan nanggaling iyan.  Biyaya ng Diyos sa atin iyan.”  Pumunta si Juan sa likuran ng kanilang bahay habang nananalangin, “O Panginoon, salamat sa malaking biyaya mong ito!”  Pumunta siya sa kanyang gansa at kinausap, “Gansa, salamat sa itlog mo.  Kung hindi dahil sa iyo ay namamatay na sana kami ng gutom ng ­aking mag-anak.  Heto, may binili akong espesyal na pagkain ng gansa at may dala rin akong inuming mayaman sa bitamina para sa iyo.”  Pinakain niya ang gansa at hinimas-himas nang buong pagmamahal at pasasalamat.

Pagdating ng susunod na araw, habang kumakain ng masasarap na agahan ang kanyang pamilya, pumunta na naman si Juan sa likuran ng bahay para pakainin ang kanyang mahiwagang gansa.  “Heto gansa, kumain ka uli ng masarap na pagkain.”  At habang pinakakain niya ito, naisipan niyang sili­ping muli ang puwetan ng gansa.  Pag-angat niya ng puwetan, nagulat siya, mayroon na namang itlog na ginto!  “Wow!  Mayroon na namang itlog na ginto.  At mas malaki pa!  Salamat, salamat, gansa.”  Habang minamahal at inaalagaang mabuti ang gansa, tuloy-tuloy na nag­handog ito sa kanya ng ginintuang itlog. (Itutuloy ang kuwento).

Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.