HUWAG MONG PATAYIN ANG GANSA NA NANGINGITLOG NG GINTO

rene resurrection

(Katapusan)

NAGMADALI na namang pumunta si Juan sa bayan para ipagbili ang kanyang itlog.  Sinabi ng magsasangla, “Mister Juan, napakasu­werte ninyo talaga!  Saan ba kayo nakakakuha ng ­itlog na ginto.  May minahan ba kayo?”

“Wala, wala.  Regalo lamang ng Diyos sa akin iyan.”

“Bibilhin namin ito sa inyo.  OK po ba sa inyo ang dati nating presyo na P100,000?”

“Aba hindi.  Ang gusto kong ibayad ninyo sa akin ay P200,000.”

“P200,000?  Aba, doble na?  Pero sige po, kasi gintong lantay naman po itong itlog ninyo.”

Lumabas si Juan mula sa sanglaan na may dala-dalang dalawang bayong ng pera.  Pumunta siyang muli sa palengke at namili ng mas marami at mas masasarap na pagkain.  Bumili rin siya ng mga mamahaling appliances tulad ng refrigerator, gas oven, flat screen TV at iba pa.

Pag-uwi niya, tuwang-tuwa ang kanyang pamilya.  Naglulundag sa tuwa.  Pinakain na naman ni Juan ang kanyang mahiwagang gansa.  Iginawa pa niya ito ng sariling maliit na bahay at nilagyan ng kutson at maliit na swimming pool.  At tunay nga.  Dahil sa mabuting pangangalaga ni Juan, hindi pumapaltos ang gansa na maghandog ng ginintuang itlog.

Yumaman nang yumaman si Juan at ang kanyang pamilya.  Iniwan na nila ang kanilang sakahan sa probinsiya.  Lumipat sila ng tirahan sa Maynila.  Tumira sila sa Penthouse (tuktok na palapag ng gusali) ng isang 50-storey building.  Naghulug-hulugan siya ng isang malaking SUV na sasakyan.  Inalis niya ang kanyang dalawang anak sa pagpasok sa San Bartolome Elementary School, at inilagay sa isang mamahaling Montessori School na malapit sa Forbes Park, Makati.  Naging todo-bihis si Juan; nakipagkaibigan siya sa mga malalaking tao.  Ang misis niya ay sumali naman sa isang club ng mga mayayamang madyongera.

Habang payaman nang payaman si Juan ay naging mayabang siya.  At dahan-dahang nagbago ang kanyang ugali.  Hindi na siya nananalangin sa Panginoon.  Wala na siyang oras sa pagbabasa ng Bibliya at pag-attend ng simbahan.  Ang kanyang gansa ay itinira niya sa likuran ng kanilang tahanang condominium  at may sarili itong bath tub na languyan at paliguan.  Naroroon pa rin ang pu­gad nito.

At paglapit ni Juan sa gansa para tingnan ang pugad, nagagalit siya, “Gansa, bakit iisa lang ang gintong itlog mo at mas maliit pa kaysa dati?  Ano ka ba?  Dami-damihan mo naman ang itlog.  Marami na akong pinagkakagastusan.  Miyembro ako ng maraming club at marami akong binabayaran – ang hulugan sa aking condo at SUV, ang pangmatrikula sa mamahaling paaralan ng aking mga anak, at ang mga luho ng misis ko.  Dahil makunat kang magbigay ng itlog na ginto, babawiin ko na ang mamahalin mong pagkain at inuming mayaman sa bitamina.  Palay at tubig na lang ang ipakakain ko sa iyo.  Walang kuwentang gansa ka!”

Takot na takot at balisang-balisa ang kawawang gansa.  Tuwing nakikita si Juan ay nagtatago ito dahil alam nitong pagagalitan at sasaktan na naman siya.

Isang gabi, umuwi si Juan na lasing na lasing at wala sa sarili.  Pinuntahan niya ang gansa at sinabi, “Nasaan na ang mga gintong itlog ko?    Hindi puwede ang paisa-isang itlog.  Kailangan ko na ang maraming gintong itlog!”  Dinakma niya sa leeg ang kawawang gansa.  Ipinako sa tadtaran ang dalawang pakpak.  Kumuha si Juan ng matalas na kutsilyo at hiniwa ang tiyan ng gansa, at sinabing, “Nasaan na ang mga itlog?  Nasaan na ang mga itlog?”  Nang makita ni Juan ang dugo ng gansa na tumutulo sa kanyang mga kamay, biglang natauhan siya.  “Ha?  Ano itong ginawa ko?  Teka, baka puwedeng mailigtas ko pa ang buhay ng gansa ko.”  Madali niyang tinanggal ang mga pako, sinulsi ang sugat ng gansa, at inangat niya ito, subalit nakalaylay na ang ulo nito, nakalabas ang dila, at patay na.

Dahil pinatay ni Juan ang gansa, at ito lang naman ang pinagkakakitaan niya, nawalan ng kita at kabuhayan si Juan at ang kanyang mag-anak.  Hindi na nila kayang bayaran ang kanilang mamahaling tahanan, sasakyan at paaralan ng mga bata.  Bumalik na lamang sila sa kanilang dating sakahan sa probinsiya at nagtanim ng mga gulay at ibinalik ang mga anak nila sa San Bartolome Elementary School.

Ano ang aral ng kuwento?  ‘Pag inalagaan mo ang iyong gansa, aalagaan ka rin nito; magbibigay sa iyo ito ng ginto. Ngunit kapag pinagmalupitan mo ang iyong gansa, hindi na ito makapagbibigay ng ginto sa iyo.

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.