HUWAG NAMAN EPAL, KONGRESMAN!

MATAGAL nang lumipas ang mga lumang kaugalian kung saan may mga ilang mambabatas na ume-epal at sumasawsaw sa mga isyu upang pag- usapan o makilala sa publiko.

Nababasa na ng sambayanan kung tapat ang hangarin ng isang politiko sa mga isyung panlipunan o sumasawsaw lamang para magpapogi sa kanyang mga constituents o kaya naman sinusubukan nila ng tinatawag na ‘power trip’ ng isang politiko.

Subalit tila nakikilatis na ng ating mga kababayan kung sino ang mga ito. Tingnan ninyo, karamihan ng mga politiko na malakas umepal sa media ay hindi na nagwagi sa mga nakalipas na eleksiyon. Ang karamihan sa mga politiko na mahilig bumatikos sa gobyerno kahit napakaganda ng programa ay hindi muling nahalal. Tapos na ang mga ganitong estilo. Buking na kayo. Style n’yo bulok!

Nabanggit ko ito dahil may isang kongresista na nais buwagin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil pareho raw ang tungkulin nito na ginagawa rin ng mga lokal na pamahalaan ng Metro Manila. Ha?! Ano?! Seryoso ka ba???

Ayon kasi sa dalawang mambabatas na sina Rep. Rolando Valeriano ng 2nd district at Rep. Joel Chua ng 3rd district ng Manila, napapanahon nang buwagin ang MMDA . Sabi ni Chua na ito raw ay sumasang-ayon sa programa ng administrasyon ni PBBM ukol sa National Government Rightsizing Program (NGRP), at walang saysay umano ang serbisyo ng MMDA sa ilalim ng panukalang National Capital Region Coordinating Council. Dagdag pa ni Chua na ang MMDA ay walang legislative o police powers, kaya wala raw itong awtoridad upang gampanan ang mga tungkulin ng mga siyudad ng Metro Manila. Huwaw. Talaga po ba, Rep. Chua?

Siguro magpakatotoo tayo. Ano ba ang ugat ng pinagpuputok ng butsi ni Chua? Ito ay dahil naapektuhan ang kanyang distrito sa mahigpit na pagpapatupad ng MMDA sa mga clearing operations sa Metro Manila. Napanood ko na sumugod si Rep. Chua sa Sta. Cruz, Manila sa kainitan ng clearing operations ng MMDA sa mga iligal na nakaparadang sasakyan sa kalsada at mga informal settler na nag-okupa ng mga bangketa sa kalsada na nagpapasikip ng daloy ng trapiko.

Kinuwestiyon ni Chua na hindi na raw sakop ng MMDA ang mga lugar na nagsasagawa ng clearing operations dahil hindi na ito sakop na tinatawag na Mabuhay Lane. Ang Mabuhay Lane ay mga alternatibong daanan na maaaring gamitin ng mga motorista upang makaiwas sa mga pangunahing daanan tuwing kasagsagan ng trapiko.

Nagtataka lang ako sa mga pag-aalburuto ni Chua. Nagkaroon na ng koordinasyon at usapan ang MMDA kasama ang lahat ng mga mayor na bumubuo ng Metro Manila Council tungkol sa pagsasaayos at clearing operation ng mga lansangan sa Metro Manila. Eh, bakit ume-epal si Rep. Chua? Hindi ba niya tinanong si Mayor Honey Lacuna tungkol dito?

Ang dagdag pa sa aking palaisipan ay kung bakit ang agarang buwelta ni Chua laban sa MMDA ay buwagin ito dahil perwisyo ang ilan sa mga kaalyado niyang barangay captain, na tumutulong sa kanya tuwing eleksiyon, ang wastong reaksiyon? Kumbaga sa isang hindi pagkakaintindihan, imbes na pag-usapan ang suliranin, ang solusyon ay patayin agad ang katunggali.

Mahirap ang kalagayan ng MMDA sa harap ng mga ginagampanan nila bilang tagapangasiwa ng Metro Manila.

Tulad ni Chua, hindi mo masisisi na papanigan niya ang mga taga-distrito niya. Tama man o mali. Bakit? Dahil ang mga residente doon ang mga botante niya. Siyempre, ipagtatanggol niya ang mga ito, maski na mali. Dagdag pogi points sa kanya ito. Sa madaling salita, pinapasukan muli ng pamumulitka. Aminin!

Hindi ako naniniwala na magkakaroon ng pag-asa ang panukala ni Chua. Epal lang ito. Mas nakikilala siya sa media dahil sa panukalang ito ngunit walang mangyayari rito.

Si MMDA chairman Romando Artes ay isang abogado de kampanilya na nagtapos sa San Beda Law. Ayon kay Artes, maaaring mabuwag ang MMDA sa pag-amyenda ng batas na nagtaguyod ng MMDA. Ang MMDA ay nasa ilalim ng direct supervision of the Office of the President of the Philippines. Sa madaling salita, kailangang makumbinsi ng mga mambabatas na tunay na wala nang silbi ang MMDA. Ang tanong, ilan sa mga mambabatas ang kayang makumbinsi ni Chua dito? Bagitong congressman lang itong si Chua. Miyembro siya ng partido Aksyon Demokratiko at Asenso Manileño. Sa totoo lang, ano ang impluwensiya ni Chua sa mayorya ng Kamara? Wala!!!

Sayang ang panahon at mahalagang oras ng mga ehekutibo ng MMDA at miyembro ng Kamara na pupunta sa ipinatawag na imbestigasyon ni Chua. Masakit man sabihin, ngunit parang ginagamit lang ang lahat para sa kanyang personal na adyenda.

Ayon sa Republic Act 7924, ang MMDA ay tagapangasiwa ng “planning, monitoring and coordinative functions, and in the process exercise regulatory and supervisory authority over the delivery of metro-wide services within Metro Manila without diminution of the autonomy of the local government units concerning purely local matters”.

Malinaw pa sa sikat ng araw ang papel ng MMDA. Kaya sa panukala ni Chua na buwagin ang MMDA? Sayang ang oras, panahon at pera ng taumbayan sa ginagawa niya.