HUWAG PABIKTIMA SA ISKAM

Sa kabila ng pagpasa sa SIM Registration law ay umiiral pa rin ang text scams o scam messages.

Ayaw tantanan ng mga iskamer ang panloloko lalo na sa panahon ng Kapaskuhan  kaya alerto ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa paalala sa publiko laban sa  bagong “text hijacking”.

Paliwanag ng BSP, ang text hijacking ay kapag nag-si­ngit ang mga iskamer ng text message sa conversations sa pagitan ng users at financial institutions, na mukhang makatotohanan.

Gumagamit  din ng mga device ang mga iskamer na nagbo-broadcast ng mas malakas na signal kaysa sa mga kalapit na lehitimong cellular towers.

Makaiiwas ang publiko na mabiktima ng text hijacking kung iiwas sa pag-click sa anumang links ng text messages na  natatanggap.

Makabubuting ireport din ang mga kahina-hinalang transaksiyon sa bangko o e-wallets. Huwag basta magtiwala.