ILANG linggo pa lamang mula nang matapos ang mahaba-habang holiday, tila bakasyon na naman ang namumutawi sa mga labi ng ilang mambabatas.
Well, wala naman tayong tutol sa ganyang bills.
Trabaho naman nilang gumawa ng batas.
Pinaaamyendahan kasi ni Sen. Raffy Tulfo ang Holiday Economic Law.
Layon ng senador na mapalakas ang domestic tourism ng bansa at maisulong ang work-life balance ng mga empleyado at mga estudyante.
Batay sa Senate Bill 1651, pinaamyendahan ni Tulfo ang Republic Act No. 9492.
Aba’y nais niyang ilipat sa araw ng Lunes ang lahat ng holidays na papatak ng araw ng Sabado at Linggo o weekend.
Kung matatandaan, naging batas ang holidays economic noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Dahil sa batas na iyon, nakagawian nang ilipat ang regular at special holidays sa pinakamalapit na araw ng lunes kapag pumatak ng weekend.
Gusto ni Arroyo na lumakas lalo ang domestic tourism.
Ang masaklap, nakansela ang practice na ito noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Naglabas kasi ng Proclamation No. 82 si PNoy na nagtakda na gunitain ang holiday kung saan mismong anong petsa ito pumatak.
Kumbaga, kinontra niya ang batas na iyon ni ex-PGMA.
Mayroon nga namang 18 national holidays na ginugunita ang bansa kada taon.
Sinasabing ang apat dito ay kinokonsiderang special non-working holiday.
Kung hindi ako nagkakamali, sa ilalim ng panukala ni Tulfo, dapat tuwing unang Lunes ng Disyembre ng kada taon ay maglalabas ng proklamasyon ang Pangulo sa mga petsa na idedeklara na non-working holiday para sa susunod na taon.
Para kay Tulfo, malaki tulong ang dagdag na long weekends para makabawas sa nararamdamang stress at burnout ng mga obrero.
Mahalaga nga naman daw na maisulong ang ‘work life balance’ para sa mga manggagawa at sa ating mga estudyante.
Sabi nga, ang bakasyon ang pinakamasayang parte ng buhay ng mga manggagawa at mag-aaral.
Madalas nga, ilang pa lamang bago ang long weekends ay nakakalendaryo na ang skedyul o bakasyon nila.
Hindi maitatanggi na ang long weekends ay pabor na pabor sa mga ordinaryong kawani.
Libreng bakasyon nga naman ito.
Kung magpasya naman silang pumasok, siyento-por-siyentong may overtime pay sila.
Hindi nga lang ito balanse dahil siguradong aangal ang mga korporasyong obligadong magbayad ng OT sa kanilang mga kawani.
Kahit nga ang hindi papasok na mga empleyado ay walang bawas sa kanilang sahod.
Sa totoo lang, medyo mabigat iyan kung panay-panay at baka lang makaapekto sa mga employer.
At para sa labor sector, welcome opportunity ito para makapagpahinga at ma-recharge.
Sino ba namang ayaw niyan?
Gayunman, pagkatapos ng bakasyon o long weekends, dapat suklian naman ng ibayong sipag ang ating mga employer sa pamamagitan ng mas magandang performance.