HUWAG SANANG MAUWI SA GEOPOLITICAL TENSION

HUWAG na sanang lumala pa ang iringan sa pagitan ng Pilipinas at ng China at mauwi sa geopolitical tension.

Ang geopolitical tension ay iringan at walang katatagang relasyon sa pagitan ng dalawa o higit pang bansa.

Ang nangyayaring palitan ng tirada ng Pilipinas at China, ang pinakahuli ay ang pagpipilit ng huli na may Gentlemen’s Agreement na naging Special Temporary Agreement at ngayon naman ay New Deal ay itinuturing na ng ilan na geopolitics lalo na’t ilang taon nang dumaranas ng pambu-bully ang Pinoy sa mga Chinese Coast Guard kung saan may nasaktan na.

Hindi man umaabot sa kamatayan, at umano’y provocation lamang, isa na itong tensiyon.

Salamat sa mga Pinoy dahil sa mahabang pisi ng pagtitimpi at hindi gumagawa ng agresibong hakbang.

Subalit dapat ding imulat ang mata ng pamahalaan.

Dahil sa “word war” ang ibang bansa ay nagmamasid lalo na ang mga international investor.

Tandaan natin na ang pagtungo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ibang bansa ay naglalayong mapalakas ang relasyon sa international community, hindi lamang sa seguridad kundi pati ang makakuha ng investment.

Dahil nga sa isyu ng WPS na maingay ngayon at sumusulpot ang umano’y kasunduan, nangangamba ang isang economic expert na maitaboy ang mga investor.

Sa pahayag ni Michael Ricafort, malawak ang merkado, maraming pagpipilian ang isang mamumuhunan at isa sa katangian ng bansang nais nilang paglagakan ng negosyo at puhunan ay ang matatag, mataas ang seguridad at walang laro ng politika.

Kung mananatili ang “word war” sa pagitan ng Pilipinas at China, posibleng lumamig ang interes ng nais mamuhunan sa Pilipinas.

Kaya sana, maresolba nang mapayapa ang iringan sa China na hindi mawawala ang karapatan at soberenya sa WPS.