HUWAG SIRAIN ANG BAKASYON DAHIL SA ULAN

hiking-raining

SA PAGSAMA ng panahon, sumasama rin ang ating timpla. Naiinis tayo. Naaasar. Iniisip natin kung paano tayo magsasaya gayong bigla-biglang umuulan. Tingin natin ay magiging limitado na kaagad ang mga gagawin natin dahil lamang sa basa ang paligid.

Pero hindi porke’t kasalukuyan kang nagbabakasyon at biglang umulan, magmumuk­mok ka na lang. Puwede ka pa ring mag-enjoy. Kumbaga, tanggapin mo ang pangyayari o ang pagsama ng panahon dahil hindi naman natin iyan maiiwasan dahil may mga bagay na nangyayari nang hindi natin nalalaman. May mga pangyayaring bigla-biglang sumusulpot na parang pag-ibig lang. Mas mainam gawin ay ang mag-enjoy na lang sa kabila ng pag-sama ng panahon.

Narito ang ilan sa mga activity na maa­aring gawin para magtuloy-tuloy ang pagsasaya sa kabila ng pagsama ng panahon:

MAG-HIKING KAHIT NA MADULAS ANG DAAN

Hindi naman porke’t maulan ay hindi ka na gagawa ng mga exciting na gawain. Kahit na madulas ang paligid, swak na swak pa rin ang pagha-hiking basta’t maging maingat lang at piliin ang mga lugar na pupuntahan.

Ang pagha-hiking kahit na maulan ay maganda at exciting na gawain. Nakapagbibigay rin ito ng bagong perspektibo sa iyong outdoor adventure. Marami ka ring maibabahaging kuwento sa iba sa gagawin mong pagha-hiking kahit na maulan.

Kung exciting at exciting na gawain lang din ang hanap, swak na swak ang pagha-hiking sa iyo.

BISITAHIN ANG SHOPS AT MUSEUMS SA DINAYONG LUGAR

May mga gawaing hindi tayo napipigil dahil lamang maulan. At isa nga sa puwedeng gawin o masayang gawin kung nasa bakasyon at biglang umulan o sumama ang paligid ay ang pagtungo sa mga shop at museum. O kaya naman, bisitahin ang mga tourist spot sa dinayong lugar.

Ang pagta-travel, sabihin mang maulan ay magandang oportunidad para makapaghanap ka ng special items o mga bagay na sa pinuntahang lugar lamang mabibili. Oo, kadalasan ay mga refrigerator magnet ang binibili natin at ipinasasalubong sa mga kamag-anak at kaibigan. Ito nga naman ang pinakamadaling bilhin at madali ring dalhin.

Oo nga’t maganda naman ito ngunit hindi na bago. Lagi’t laging ganito na lang ang ini­uuwi o ipinasasalubong ng mga nagbabakasyon.

Puwede mo namang mabago ito. At ang paraan nga ay ang pagtungo sa mga shop sa pinuntahan mong lugar at maghanap ng mga kakaibang bagay. Iyong bago. Maaari ka rin namang magtungo sa mga local market para maghanap. Para rin masulit ang bakasyon, dayuhin din ang mga museum at kumuha ng magagandang litrato.

MAGKAPE HABANG NAGKUKUWENTUHAN

COFFE SHOPKung nasa hotel naman kayo at wala kayong ganang umalis dahil mau­lan ang pali­gid, maganda rin naman ang pagkukuwentuhan habang humi-higop ng mainit na kape. Maaari ring gamitin ang pagkakataong ito upang makapag-relax kung mag-isa ka lang.  O kaya naman, manood ng mga palabas.

Mainam din ang pagbababad sa bathtub. Ka­ramihan sa mga hotel ay may mga bathtub. Kaya’t kung mayroon ang napili o nilalagian mong hotel, maaari kang magbabad doon habang nagbabasa ng libro. Simple ngunit masarap ito sa pakiramdam.

I-CHECK ANG MGA KATANGI-TANGING RESTAURANT SA LUGAR

Siyempre sa pamamasyal, hindi puwedeng mawala ang mga kata­ngi-tanging restaurant o kainan na binabalik-balikan o dinarayo ng parokyano. Kaysa nga naman mabagot, bakit hindi maghanap ng mga restaurant o kainang nag­hahanda ng kakaibang putahe. Puwede kang magtanong-tanong sa mga local kung anong pagkain at restaurant ang ipinagmamalaki o sikat at iyon ang puntahan. Sayang naman kung hindi mo iyon masusu­bukan.

MAG-SWIMMING KAHIT NA MAULAN

SWIMMINGSabihin mang mau­lan, aba, puwede ka pa ring mag-swimming. Kung may pool naman ang hotel na nilalagian mo, bakit hindi mo i-enjoy ang ulan at ang tubig. Maganda ring gawin ito at tiyak na mag-e-enjoy ka kasama mo man ang mga kaibigan o kamag-anak, o kahit na mag-isa ka lang.

PANOORIN ANG PAGPATAK NG ULAN

Sa sobrang abala natin, kung minsan ay hindi na natin nagagawa ang pag-upo habang pinanonood ang pagpatak ng ulan. Kaya pagkakataon mo nang gawin ito kung umuulan, nasa bakasyon ka at ayaw mong lumabas ng hotel.

Nakagagaan din ng pakiramdam ang pagtambay sa balcony habang pinagmamasdan ang pagpatak ng ulan.

Kaysa nga naman ang sumimangot at magmukmok, bakit hindi ka na lang mag-enjoy.

Napakaraming paraan upang masulit ang iyong pagbabakasyon sabihin mang bigla-biglang bumuhos ang ulan. CS SALUD

Comments are closed.