HINIKAYAT ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang Department of Energy (DOE) at Department of Finance (DOF) na isulong ang programang alternative vehicles kapalit ng fuel vehicles matapos ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Zubiri, dapat itulak ng DOF at DOE ang paggamit ng hybrid at e- vehicles sa bansa.
Paliwanag ng senador, malaki ang matitipid sa paggamit ng mga alternatibong sasakyan.
Aniya, ang e-vehicles o e-car sa isang charge lamang ay magagamit na sa mahigit 200 kilometro samantalang sa hybrid vehicles naman, ang isang litro ng gasolina o diesel ay magagamit sa loob ng isang linggo.
Iginiit ni Zubiri na ito na dapat ang gamitin ng pamahalaan para sa pampasaherong jeepney at mga bus hindi lamang para sa mga pribado na nais gumamit nito.
Hinikayat din ng senador ang DOF na suspendihin ang excise tax sa importation ng e-vehicles at hybrid vehicles para bumaba ang presyo sa merkado.
Dahil, aniya, sa excise tax ay kasing mahal na ng sports car ang naturang mga sasakyan subalit kapag sinuspinde ang excise tax ay tiyak na bababa ang presyo nito sa merkado. VICKY CERVALES
Comments are closed.