TARGET ng Commission on Elections (Comelec) na maisakatuparan ang new hybrid election system sa 2022 Presidential Elections.
Ito ang inihayag ni Atty. Marlon Casquejo sa ginanap na public hearing ng Senate committee on Electoral Reforms and Peoples Participation sa panukalang paggamit ng hybrid voting system.
Ayon kay Casquejo, nag-concept ng election 2020 hybrid approach, ang procedure sa pagboto ay katulad ng PCOS/VCM sa pamamagitan ng shading at sa halip na oval ay gagawin na itong square.
Gagamit din aniya ang Comelec ng printed ballots para sa tallying of votes na magsisilbing basehan sakaling magkaroon ng election protest ang mga kandidato.
Pinag-aaralan din ng Comelec ang online o mobile app voting para sa mga landbased at offshore overseas Filipino workers at mga absentee voter.
Ayon kay Senador Imee Marcos, chairperson ng komite, hindi na dapat mabahiran ng anumang dayaan ang nakatakdang presidential elections sa 2022 para maging kapani-paniwala at malinis ang mandato ng tao.
Hindi na rin kailangan ng saksakan ng high tech dahil hindi ito abot-kaya pero ‘wag naman aniyang sinauna o “Jurassic” na sistema.
“We are trying to address na once you put the ballot into the machine, makikita mo saan napunta balota mo, at magsisimulate ‘yung bilangan para makita mo,” paliwanag ni Marcos.
“There are discussions na dagdagan ng resibo or else i-project ‘yung balota sa counting para talagang makita ng tao. ‘Wag na ‘yung “tara-tara system” kasi napakatagal, i-encode pa after that.Pati ‘yung ating IT experts sinasabi kung ano yung mga kapalpakan ng ating election system ngayon,” ayon pa kay Sen. Marcos.
Sinuportahan naman ni Sen. Francis Tolentino ang pagsusulong ng bagong hybrid election system kontra daya.
Si Tolentino ay naging biktima ng umano’y dayaan at nagharap ng election protest laban kay detained Senator Leila de Lima noong nakaraang 2016 Senatorial elections.
Sinabi naman ni DICT Usec. Eliseo Rio na makatitipid ng humigit-kumulang sa P200-milyon ang gobyerno sa implementasyon ng hybrid election system.
Ang panukalang batas ay sinusuportahan ng iba’t ibang election watchdogs tulad ng National Citizen’s Movement for Free Elections (NAMFREL), Parish Pastoral Council for Responsible Voting(PPCRV), Legal Network for Truth Elections (LENTE), Democracy Watch, Institute for Political and Electoral Reform (IPER), Tanggulang Demokrasya (TANDEM) at mga information tech expert.
Comments are closed.