PINABORAN ng mayorya ng Senado ang panukalang “hybrid” sessions at hearings sa Senado sa pagbubukas ng sesyon sa susunod na linggo.
Sinabi ni Senador Panfilo Lacson, sa sandaling mag-convene sila sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Mayo 4 ay magma-manifest siya at magiging co-author ng resolusyon na ihahain ng kanyang mga kasama sa nasabing panukala.
Sa ilalim ng “hybrid” format ay magkakaroon ng online at physical attendance sa plenary sessions at hearings subalit ito ay epektibo lang ngayong may COVID-19 pandemic.
Sakaling magkaroon muli umano ng katulad na krisis ay dapat maghain ulit ang Senado ng panibagong resolusyon.
Pabor din si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa nasabing panukala subalit sa tuwing mayroon lamang national emergencies.
Para naman kay Senators Sonny Angara at Francis Tolentino, ang adjustment sa new normal ay makakatulong sa kaligtasan ng mga mambabatas at kanilang mga staff na nakokompromiso dahil sa kanilang legislative duties.
Nilinaw naman ni Senate President Vicente Sotto III na ang nakakulong na si Senador Leila de Lima ay hindi maaaring sumali sa hybrid sessions at hearings dahil hindi na siya sakop sa hurisdiksyon ng mataas na kapulungan kundi ng korte at ng PNP.
Nauna nang naghain ang 15 senador ng ng Resolution no. 372 na magsagawa ng plenary sessions at committee hearings sa pamamagitan ng teleconference sa plenary session sa Mayo 4. VICKY CERVALES
Comments are closed.