HYBRID SYSTEM PARA SA MABUSISING PAGBILANG NG MGA BOTO

SEN IMEE MARCOS-2

NANINDIGAN si Senadora Imee Marcos na kailanman ay hindi magiging transparent at ligtas ang ating mga boto kung susundin pa rin ang fully automated election system (AES) na ginamit mula noong 2010.

Ini-sponsor nitong Lunes ni Marcos, chairperson ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, ang committee report na umi-endorso sa isang hybrid election system, ayon sa panukala ni Senate President Vicente Sotto III sa inihain niyang Senate Bill No. 7 o ang Hybrid Election Act noong Hulyo ng nakaraang taon.

“Paano natin malalaman na tama ang pagkaka-bilang sa ating mga boto sa ilalim ng fully automated election system? Walang may alam,” pagdidiin ni Marcos.

“Dapat bawat bahagi ng proseso ng eleksiyon ay bukas sa pagbusisi. Simula noong 2010, mas tinutukan natin ang bilis at ginhawa sa halip na bantayan ang transparency,” dagdag ni Marcos.

Dismayado si Marcos sa naging mga iregularidad sa pagbilang ng boto simula nang gamitin ang AES, tulad ng mas maagang transmission ng mga boto, foreign access sa mga election server, paglalagay ng karagdagang device na tinawag na “queuing server” habang nasa kalagitnaan ng proseso ng pagta-transmit ng mga boto, script change sa gitna ng live na transmission ng mga resulta, at di-kumpletong transmissions ng mga resulta.

Sinabi ni Marcos na kailangan din iusog ang timeline para sa paghahain ng certificates of candidacy mula kalagitnaan ng Oktubre patungong ika-15 ng Disyembre bago ang eleksiyon.

“Bahagi rin ng pagbabagong ito ay paglimita ng pagpapalit ng mga kandidato mula lamang sa mga kaso ng pagkasawi at diskuwalipikasyon, para hindi makasagabal sa timeline ng pag-iimprenta at pamamahagi ng balota sa lahat ng presinto sa kabuuan ng bansa,” paliwanag ni Marcos.

Ang pag-iimprenta ng mga balota ay hindi na rin i-ooutsource kundi sagrado na lamang sa National Printing Office. Magkakaroon din ito ng bar code, na maaaring ma-scan para makita ang digital image ng balota at ma-authenticate, na siyang magiging bagong palatandaan ng mga opisyal na balota, dagdag ni Marcos.

Kung sakaling magkaroon ng pagkakaiba sa resulta ng mga boto na aabot sa 2% sa pagitan ng mga naisumite manually at electronically, awtomatikong magkakaroon ng recount sa nasabing posisyon na kinukuwestyon.

Bagamat dagdag trabaho ang hybrid election para sa mga guro at election officers, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas mataas na uri ng transparency sa mga susunod na eleksiyon. VICKY CERVALES

Comments are closed.