NANGAKO si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu sa mga katutubo ng Oriental Mindoro na sisilipin nila ang hydroelectric power project na umano’y nagiging sanhi ng pinsala sa kapaligiran at naglalagay sa panganib ng buhay ng mga residente sa paligid.
Ayon kay Cimatu, walang dapat alalahanin ang mga Mangyan ng tribung Alangan dahil bubusisiin nila kung hindi sumusunod ang Santa Clara International Corp. (SCIC) sa kasunduan.
Ang SCIC ang nagtatayo ng hydroelectric power plant sa barangay Malvar sa bayan ng Naujan.
Dagdag ni Cimatu, isisingit niya ang problema ng mga Mangyan sa susunod na miting ng gabinete at agaran itong sosolusyunan.
Sa reklamo ng mga Mangyan, gumagamit ng dinamita ang SCIC upang makagawa ng tunnel, kalsadang para sa mabibigat at malalaking mga trak, at iba pa.
Paglabag umano ito sa kasunduang walang pagsabog na dapat gamitin sa mga operasyon nito.
Sinabi ng mga Mangyan na ang pagsabog at iba pang mga aktibidad na ikinasira ng mga puno at halaman ay posibleng isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng napakalaking baha noong Disyembre 2015 bunsod ng bagyong Nona.
Naitala sa bagyong Nona ang 270.4 mm ulan sa loob lamang ng 10 oras, kumpara sa 260.4 mm na dami ng buwanang pag-ulan sa Calapan mula 2005 hanggang 2015.
Hiniling ng DENR sa SCIC na magkaroon ng plano at mekanismo ng kontrol ng baha, na dapat itakda ng EMB bilang karagdagang kondisyon na matugunan ng kompanya sa kanilang Environmental Compliance Certificate (ECC). NENET VILLAFANIA
Comments are closed.