Manila, Philippines – HAP! Kailan ka huling naghugas ng kamay? Nagbigay ng maagang pamasko sa mga Pilipino ang Hand Hygiene Alliance Philippines (HAP!), isang alyansang pinamumunuan ng pribadong sektor na sumusuporta sa universal access sa hand hygiene sa paglulunsad ng “Clean Hands for Christmas,” noong biyernes, ika-16 ng Disyembre sa Alliance Francaise de Manille sa Makati. Ang paglulunsad ay napapanahong paalala sa lahat dahil sa mga Christmas party at iba’t ibang pagtitipon ngayon kapaskuhan sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ang alyansa ay inorganisa bilang tugon sa pandaigdigang panawagan para sa Hand Hygiene for All initiative. Ito ay kolektibong pagkilos upang palakasin ang kultura ng pahuhugas kamay sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pasilidad, produkto, at mga materyales sa pagpapakilala ng programa , lalo na sa mga mahihirap na komunidad.
Ang alyansa ay binubuo ng mga miyembro na kabilang sa corporate foundations, business-oriented associations, social enterprises, at philanthropic organizations na may programa sa water, sanitation, and hygiene (WASH).
Kabilang sa founding members ng alyansa ay ang Ecolab, E&V Water and Life Philippines, Manila Water Foundation, Philippine Business for Social Progress (PBSP), at ang Rotary Club of Marikina North.
Ang tamang paghuhugas ng kamay ay napatunayang solusyon sa pagkakasakit tulad ng pagtatae at pulmonya , na maaaring maging banta sa buhay, lalo na para sa mga batang wala pang 5 taong gulang. Sa Pilipinas, mataas ang ranggo ng pagtatae at pulmonya sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan para sa mga batang 1 hanggang 4 na taong gulang . Ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon ay inuugnay sa pagbaba ng absenteeism sa mga bata sa paaralan, nagbibigay dignidad sa lahat, kagalingan at pagiging produktibo.
Dahil sa mga benepisyo ng paghuhugas ng kamay, layunin ng alyansa na makipagtulungan sa pamahalaan lalo na sa sektor ng kalusugan at edukasyon. Bilang tugon, ang alyansa at bumuo ng isang Hand Hygiene Roadmap na ang layon ay makapag-ambag sa mga inisyhatibo ng program hanggang 2030. Layon ng alyansa na makapag-anyaya pa ng mas maraming miyembro mula sa iba’t ibang industriya para maging bahagi sa Hand Hygiene Alliance Philippines o HAP!
Ang Rotary Club of Marikina North sa pamamagitan ni Pangulong Roland Cardinoza at President-elect John Robert Mendoza nangako ng kanilang suporta at commitment sa vision at mission ng alyansa.
Ani ni Pangulong Cardinoza, “Bilang isang miyembro ng alyansa, ang Rotary ay magagawang iposisyon ang sarili bilang isang kampeon at tagapagtaguyod para sa hand hygiene, di lang sa club level service, ganun din sa mas malawak pa na programa sa hand hygiene sa mga komunidad na tinutulungan ng Rotary at para makatuwang pa ang ibang mga clubs at distrito na maging bahagi ng pagkilos.” Sa tulong ng Pilipino Mirror hangad nating mas marami pang makasali sa proyekto na ito.
Noon araw din na’yon, ang Rotary Club of Marikina North sa pakikipagtulungan sa Manila Water Foundation ay nagbigay ng 2 portable hand washing units na Happy Tap sa Water and Life communities sa Cavite at 1 unit naman sa Early Childhood Day Care Center (ECDCC) sa Baras, Rizal. Sa mga darating na buwan, plano ni President Cardinoza at President-elect Mendoza na palawakin pa ang suporta para sa hand hygiene upang ma-target ang mga daycare centers sa mga piling mahihirap na barangay sa Rizal na walang access sa handwashing stations.