NAPAKARAMI na nating nararanasang pagbabago sa kalikasan. Hindi natin naiiwasan ang mga natural na sakuna at kalamidad na nangyayari sa mundo dulot na rin ng pagbabago ng klima.
Hindi na lingid sa ating lahat ang masamang epekto ng polusyon mula sa mga sasakyan, pabrika, maling paggamit ng mga enerhiya at pagkakalbo ng mga kabundukan dahil sa maling pagmimina at walang awang pagputol sa mga puno na siyang nagiging sanhi ng malawakang pagbaha.
Sa mga ganitong pangyayari, ipinaaalala lamang sa atin na ang ating Inang Kalikasan at tayo, pati na ang lahat ng nabubuhay sa mundo, ay konektado sa isa’t isa, na nararapat lamang pagtulungan natin na protektahan at ingatan ito.
Kailangan nating gumawa ng mga hakbang na makababawas sa polusyon, basura, at para pangalagaan ang mga natural na resources. Kailangan din natin laging iisipin na ang ating mga gagawin ay kung makatutulong o makasasama sa kalikasan at higit sa lahat, ay para sa mas pangmatagalang solusyon o sustainable.
Ang Inang Kalikasan ay simbolo ng pagiging iisa natin sa lahat ng mga buhay at may malaking tungkulin para mapanatili ang daigdig hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
“Mother Earth is an ever-changing force that has been around since the beginning of time” ‘ika nga. Tahanan natin ito na nararapat lamang nating pangalagaan dahil anumang aksyon na ating gagawin ay mayroong kaukulang epekto ito sa mundo – makabubuti o hindi. At dahil nga bahay natin ito, natural lamang na panatilihin natin itong maayos at kaaya-aya nang sa ganoon ay hindi agad ito masira o maging pangit sa paningin at tumagal sa mahabng panahon.
TAMANG PAGGAMIT NG NATURAL RESOURCES O RENEWABLE ENERGY
Noon pa man, napakarami nang paalala sa pangangalaga para sa ating kalikasan. Napakarami na ring mga suhestiyon at solusyon ang naibahagi sa kung paano tayo dapat kumilos at kung ano ang mga dapat iwasan na makasisira sa natural resources pero dahil hindi tayo nakinig, heto, nakikita at nararamdaman na natin ang masamang epekto ng ating mga ginagawa.
Malawakang pagbaha sa maraming mga bansa, malalaking wildfire na kayang sumunog sa isang komunidad, pagkalusaw ng yelo sa Antartika at pagkakalbo sa kabunudukan. Ramdam na rin natin ang sobrang init ng panahon.
Kung mayroon mang maituturing na solusyon laban sa climate change, ito ay walang iba kung hindi ang Renewable Energy – dahil ito lamang ang natural resources na kayang maghilom sa sarili nitong kakayanan tulad ng hangin, sikat ng araw, at ulan. Higit sa lahat, ito rin ang nakapagbibigay ng mas eco-friendly na pamamaraan para makagawa ng power at puwedeng alternatibo sa mga napakamamahal at nakasisirang paggamit ng enerhiya tulad ng pagmimina at pagsusunog ng fossil fuel.
Maraming magagandang benepisyo ang paggamit ng renewable energy. Ilan dito ay ang mga sumusunod:
1. Less maintenance – dahil karamihan sa mga renewable energy technologies ay hindi umaasa sa fossil fuel-powered generators para mapaandar ang makina kaya bihira na natin itong inspeksiyunin at malaking oras ang mababawas para lamang sa maintenance.
2. Maraming reliable source ng enerhiya – malaki ang naitutulong ng renewable energy para mapalawak ang supply ng enerhiya, mas kakaunti ang paggamit ng toxic chemicals o pollutants para magbigay ng power sa atin. At wala itong hanggan sa paggamit hindi tulad ng fossil fuels na mayroong agarang panganib.
3. Solar energy – marami nang mga solar panel technology companies ang gumagawa at nagsusulong sa paggamit nito. Nakatutuwa lang na marami na rin sa atin ang gusto ang ganitong pamamaraan ng paggamit ng natural na enerhiya subalit kailangan pa rin ng malawakang kampanya para tuluyan nang iwasan ang paggamit ng mga nakasisirang power sources.
4. Wind energy – isa rin ito sa matagal nang ginagamit na dapat din nating pagtuunan ng pansin. Proven and tested na rin ito na kumukuha ng enerhiya sa pamamagitan ng wind turbines at maconvert sa natural energy.
Kukulangin ang espasyong ito para sa marami pang natural na enerhiya. Nariyan lamang ang mga likas na enerhiya na walang masamang epekto sa atin, sa mga nabubuhay sa mundo at sa Inang Kalikasan na dapat nating gamitin nang abutan pa ng ating mga susunod na henerasyon ang magandang biyaya ng Maykapal – ang Mother Earth.
-CRIS GALIT