(I-waive na lang -Gatchalian) PENALTIES SA LOAN NG TEACHERS

Win Gatchalian

HABANG patuloy na nilalabanan ng bansa ang krisis na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), hinimok naman ni Senador Win Gatchalian ang private lending institutions na huwag nang patawan ng penalties ang mga maaantalang bayad sa loans ng guro at iba pang kawani ng Department of Education (DepEd).

Sa liham ni DepEd Undersecretary for Finance Annalyn M. Sevilla nitong Marso 20, pinaalalahanan niya ang mga kompanyang bahagi ng Automatic Payroll Deduction System (APDS) na sa ilalim ng Terms and Conditions of the APDS Accreditation (TCAA) na kanilang nilagdaan, hindi na dapat patawan ng penalties, fines, o surcharges ang naantalang bayad ng mga guro at kawani ng mga paaralan, gayundin ang mga nahuhuling bayad ng DepEd dahil sa mga hindi inaasahan at malulubhang pangyayari.

Paliwanag ni Sevilla, inaasahang mahuhuli ang pagproseso at paglabas sa mga bayad sa loan dahil sa Luzon-wide enhanced community quarantine at work-from-home arrangement sa Executive Branch.

Gayundin, hinimok ng DepEd ang mga kompanyang ito na huwag nang magpataw ng karagdagang interes dahil sa mga nahuhuling bayad.

Ayon naman kay Gatchalian, binibigyang-diin ng Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act ang tungkulin ng mga bangko at iba pang financial institutions na dinggin ang apela ng DepEd.

“Malaking tulong para sa mga guro at kawani ng mga paaralan ang palugit para sa kanilang mga bayarin. Isinabatas na natin sa pama-magitan ng ‘Bayanihan to Heal as One Act’ ang ilang hakbang na ginagawa na ng ibang mga bangko na ipagpaliban muna ang pagbabayad ng anumag loan habang may kinakaharap tayong krisis pangkalusugan. Dapat matulungan din natin ang bawat guro at kawaning itawid ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Binibigyan din ng Bayanihan to Heal as One Act si Pangulong Rodrigo Duterte ng karagdagang kapangyarihan upang sugpuin ang krisis na dulot ng COVID-19.

Sa ilalim ng naturang batas, mandato sa mga bangko, quasi-bank, financing o lending company na magpatupad ng mandatory grace period na hindi bababa sa 30 araw para sa mga bayad sa loan at kailangan ding sumunod ang Government Service and Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS) at ang PAG-IBIG Fund sa probisyong ito ng naturang batas.

Saklaw ng  grace period ang lahat ng mga uri ng loan, bayad sa credit card, at renta sa mga bahay habang patuloy ang enhanced community quarantine.

Nasa probisyon din ng Bayanihan to Heal as One Act na hindi dapat patawan ng interes, penalties, at iba pang mga karagdagang singil ang mga bayaring ito. VICKY CERVALES

Comments are closed.