UPANG mas maging epektibo, nagpahayag ng suporta si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. sa planong ihiwalay ang Internal Affairs Service (IAS) sa Philippine National Police (PNP).
Ito ang sinabi ni kalihim sa isang ambush interview matapos pangunahan ang paglulunsad ng Buhay Ingatan Droga’y Ayawan (BIDA) program Sports and Cultural Fest sa Camp Crame kamakailan.
Kumpiyansa ang kalihim na magagawa ng IAS ang kanilang mandato nang may kalayaan at walang kontrol.
Tanong ni Abalos, paano epektibong magagawa ng IAS ang kanyang mandato na kasuhan ang mga tiwaling opisyal ng PNP kung mga amo nila ang iimbestigahan nila?
Ang pahayag ng kalihim ay kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa ilegal na droga ng ilang matataas na opisyal ng PNP at ang pagkakabalik sa PNP Drug Enforcement Group (PDEG) ng ilang mga pulis na dati nang may kaso sa ilegal na droga.
Ayon kay Abalos, bumuo na siya ng isang team para pag-aralan kung paano mapapalakas ang mga disciplinary measures ng PNP, partikular ang IAS at National Police Commission (NAPOLCOM) para maiwasan ang mga ganitong insidente sa hinaharap.
EUNICE CELARIO