IATF PUPUKSAIN ANG RICE BLACK BUG

ISABELA – UPANG mapigilan ang mas malawak na danyos sa pananim, kumilos na ang Inter-Agency Task Force Region 2 at bubuo ng grupong tututok sa pagkontrol ng Rice Black Bug sa lalawigang ito.

Ang hakbang ay alinsunod sa Isabela Executive Order No. 37 na ipinalabas ng Provincial Government.

Magugunitang naitala ang serye ng insidente ng infestation ng naturang peste kung saan apektado na ang 11 lokalidad sa probinsiya.

Ang naturang kautusan, kabilang na rito ang mga bayan ng Burgos, San Guillermo, San Mateo, Cabatuan, Roxas, Aurora, Alicia, San Manuel, Mallig, San Agustin at Cauayan City.

Kaugnay nito, ang Provincial IATF for the management of Rice Black Bug (RBB) ang siyang responsable sa pagmonitor at pagkontrol sa pagdami ng populasyon ng RBB at iba pang Agricultural pests.

Magbibigay din ang PIATF ng mga posibleng pamamaraan upang maibsan ang pag-atake ng naturang peste at makikipagtulungan sa ibang ahensya ng gobyerno para sa pagkakaloob ng programa sa mga apektadong magsasaka.

Samantala, nauna na ring inihayag ng Department of Agriculture Region 2 sa pamamagitan ni Regional Technical Director Rose Mary G. Aquino sa isinagawang pagpupulong kahapon ng PGI at LGUs na magsasagawa ng malawakang technical briefings at awareness campaign ang ahensya.

Maliban dito ay magbibigay din sila ng mga bio-control agents, light traps at mamamahagi rin aniya sila ng IEC materials bilang suporta sa pagpuksa ng rice black bug.

Tutulong din aniya ang ahensya sa procurement ng recommended insecticides buffer stock para maipamahagi lalo na sa mga nakapagtala na ng infestation na mga bayan.

Umabot na rin umano sa 2.5 na ektarya ng palayan ang napeste ng RBB sa bayan ng Roxas.
IRENE GONZALES