MAGANDANG araw sa inyo. Natutuwa kami dahil makakasama na ninyo ang Alagang PhilHealth dito sa Pilipino Mirror tuwing Martes para bigyan kayo ng mga pinakahuling balita at impormasyon tungkol sa inyong programa. Bilang buwena-mano, hayaan ninyong bigyan namin kayo ng kaunting kaalaman para sa mabisang paggamit ng benepisyong PhilHealth.
Madalas siguro ninyong naririnig ang kasabihang knowledge is power. Iba kasi talaga ang may alam, di ba? Pero tandaan na dapat ay tamang impormasyon ang ating pinakikinggan. Alamin kung saan dapat kukuha ng impormasyon upang masigurong ito ay tama at lubos na mapakikinabangan.
Kung minsan ka nang gumamit ng benepisyong PhilHealth, marahil isa ka rin sa nagtanong kung tama ba ang benepisyong nakuha mo. Ngayon ay bibigyan namin kayo ng ilang tips kung paano malalaman kung tama o akma ang benepisyong dapat mong makuha mula sa PhilHealth.
Isa sa benepisyong PhilHealth ay kapag maoospital nang higit sa 24 oras. Bago ka ma-discharge ay ibibigay sa iyo ang iyong Statement of Account o Billing Statement upang makita ang kabuuang ginastos at upang malaman kung ikaw ay may babayaran pa matapos ibawas ang lahat ng deductions at benepisyong PhilHealth.
Nagbabayad ang PhilHealth sa pamamagitan ng case rate. Ibig sabihin, bawat sakit ay may nakatakdang halaga ng benepisyo. Malalaman ito sunod sa final diagnosis ng duktor sa iyong naging sakit. Ngayon, paano mo malalaman kung tama ang halagang ibinawas ng ospital? Narito ang ilang mga pamamaraan.
Una, maaaring magtanong sa nakatalagang PCARES sa ospital. Ang PCARES o PhilHealth Customer Assistance, Relations and Empowerment Staff ay mga kinatawan ng PhilHealth sa mga pangunahing ospital upang asistehan ang mga pasyente at matiyak na mababawas ang benepisyo mula sa inyong total hospital bill. Ang PCARES ay iba pa sa mga billing clerk na empleyado ng ospital.
Ikalawa, maaaring mag-search sa website, o kaya ay gamitin ang PhilHealth ACR Search App na maaaring ma-download mula sa Google Playstore. Kung sa website, bisitahin ang www.philhealth.gov.ph, pumunta sa online services at i-click ang ACR search. Alinman ang gamit ninyo dito ay maaari ninyong malaman ang halaga ng benepisyo gamit ang description ng sakit (halimbawa pneumonia, dengue, leptospirosis o kung may procedure na ginawa gaya ng appendectomy, cholecystectomy o biopsy); o sa pamamagitan ng ICD-10 o RVS codes. Ang ICD-10 code ay ang code na ina-assign sa bawat sakit, RVS code naman kung operasyon ang ginawa. Anoman ang code ay maaari itong itanong sa ospital.
Ikatlo, maaaring mag-inquire sa Action Center ng PhilHealth. Magpadala ng text message sa aming call back channel 0921-630-0009. Maaari ring magpadala ng inquiry sa FB page ng PhilHealth (@PhilHealthOfficial) o kaya ay mag-email sa [email protected].
Kung mayroon kang alinlangan sa halaga ng benepisyong iyong na-avail, makipag-ugnayan agad sa PhilHealth upang kayo ay mabigyan ng sapat na impormasyon at hakbang na dapat ninyong gawin. Tandaan mga katropa, iba ang may alam. Dapat, benepisyo mo, alam mo!
May katanungang PhilHealth ka ba o may tanong tungkol sa iyong benepisyo? Magpadala ng text message sa 0921-630-0009 upang makatanggap ng tawag mula sa aming Action Center o kaya ay bisitahin ang aming facebok page na “@PhilHealthOfficial”.
GOOD NEWS NAMAN SA MGA DIALYSIS PATIENTS
Ang mga pasyenteng may CKD 5 ay dapat naka-enroll sa PhilHealth Dialysis Database upang makamtan ang benepisyo na pinalawig hanggang 144 sessions ngayong taon!