MARAMING tao sa mundo ang napapariwara ang buhay dahil ang sinusunod nilang paraan ng pagyaman ay ang paraan ng tao at hindi ang sa Diyos. Ang paraan ng tao ay maisasalarawan sa isang salawikaing Filipino na nagsasabi na: “Batas ng embudo ang nais ipatupad; madali ang papasok, palabas ay mahirap.”
Ang paraang tao ay pagkamkam, pagiging makasarili, pagkasuwapang, pagkagahaman, pagkuha, paghingi, pagtanggap, pag-agaw, pagnakaw, panloloko, atbp. Espiritu ng pagkuha ang umiiral. Hindi ito nalalayo sa paraan ng pagyaman ng kaaway ng Diyos. Nang si Jesus ay nasa lupa pa, tinukso Siya ng kaaway. Ipinakita sa Kanya ang lahat ng kapangyarihan at kayamanan sa ibabaw ng lupa at sinabi sa Kanya, “Ang lahat ng mga ito ay ibinigay sa aking kapangyarihan. Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung luluhod ka at sasamba sa akin.” Subalit tinanggihan ito ni Jesus at sinabi Niya, “Nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos at Siya lamang ang iyong paglilingkuran.’
Ang paraan ng tao ay ang pag-iisip na siya ang may-ari ng lahat ng kanyang ari-arian. Ang akala niya, siya ang panginoon ng sanlibutan, at maaari niyang pagsamantalahan ito sa abot ng kanyang makakaya. Walang pag-iingat at pangangalaga ang maraming tao sa kagandahan at kayamanan ng sanlibutan. Para yumaman, puputulin nila ang lahat ng mga punongkahoy at peperahin agad-agad.
Huhulihin nila ang napakaraming lamang-dagat at peperahin agad-agad. Papatayin ang mga hayop sa gubat para lang sa kanilang aliw at libangan. Huhulihin ang mga ibon sa himpapawid para perahin na naman. Madalas ay hindi nila naiisip na panatilihin o isauli ang kanilang kinukuha. Kaya marami tayong mga kalbong bundok. Ang mga minahan natin, pagkatapos kunin ang mga mamahaling bakal at mineral sa loob nito, ay hinahayaan na lamang na nakatiwangwang at nagdudulot ng pagkawasak at sakuna sa kapaligiran. Kung magtatanim man uli ng punongkahoy na pinutol nila, ito ay para lamang may maputol silang muli at mapepera. Kung gumagawa man sila ng pangangalaga sa kapaligiran, hindi ito dahil sa pagmamalasakit sa kapaligiran, kundi upang mayroon lamang silang mapepera na naman. Sobra talaga ang sama ng ugali ng tao. Tinuturo ng Bibliya na ang taoay “totally depraved” o “buong-buo ang pagkasira ng pagkatao.” Lahat ng iniisip niya ay pawang pansarili. Kaya nga, kailangan ng taong maligtas ng Panginoon mula sa sakit nilang kasalanan.
Ang binubunga ng paraan ng tao ay ang pagkawasak ng kapaligiran at ng buong sanlibutan. Magiging polluted o marumi ang himpapawid at karagatan. Makakalbo ang mga kabundukan. Mawawasak ang wastong timbang ng kapaligiran. Dadami ang mga sakuna. Magbabaha, dadami ang mapipinsala at mamamatay. Magkakaroon ng pagkawasak ng klima. Dadami ang sakit ng tao. Lalala ang kalagayan ng kalusugan. Lalong maghihirap at madurusa ang sangkatauhan. Dahil sa kasuwapangan, sinisira ng tao ang kanyang sarili.
Ang paraan ng Diyos sa pagyaman ay kabaligtaran ng sa tao. Ang paraan ng Diyos ay paraan ng karunungan at pagbibigay. Tinuturo ng Bibliya na ang may-ari ng lahat ng bagay ay ang Panginoon. Ang tao ay katiwala lamang ng Diyos. Dapat sana ay sumusunod ang tao sa kalooban at kautusan ng Maykapal. Ang utos ng Diyos sa tao ay “Bungkalin at alagaan mo ang lupa. Alagaan at pamahalaan mo ang lahat ng hayupan sa sanlibutan. Paramihin mo sila.” Hindi tayo ang may-ari; tayo ay mga katiwala o tagapangasiwa lamang. Mananagot tayo sa Diyos balang araw dahil sa paraan ng ating pangangasiwa. Magbibigay sulit tayo sa Diyos sa araw ng paghuhukom. Kaya natin aalagaan ang kapaligiran at dahil sa ito ang utos ng Diyos. Ito ang tungkulin na iniatang sa atin. Hindi para kamkamin at salantain para pagkaperahan.
Gusto ng Diyos na magtanim tayo at magparami ng mga punongkahoy. Magtanim at magparami tayo ng mga gulay at prutas. Mag-alaga at magparami tayo ng mga hayupan. Mag-alaga at magparami tayo ng mga isda sa dagat. Magparami at mag-alaga tayo ng mga ibon sa himpapawid. Ang may sobra ay magbigay sa kinukulang. Ang tinutulungan ay dapat tumulong din. Iniutos ni Jesus, “Tipunin ninyo ang mga labis. Wala dapat masasayang.” Dapat ay nagtitipid tayo; hindi nagsasayang. Iniutos din ni Jesus, “Mangalakal kayo hanggang ako’y muling magbalik.” Gusto ng Panginoon na marunong tayong mamuhunan sa malinis na paraan. Sinabi pa niya, “Kung hindi mo ipapangalakal, ilagay mo sa bangko para may matatanggap na tubo.” Ang perang hindi ginagamit sa pangangalakal ay dapat ilalagay sa bangko. Ang lahat ng ating kapasyahan at gawain ay dapat dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos at hindi dahil sa pagkagahaman. Ang pangako ng Diyos ay siya ang magpapala sa atin ng malinis na kayamanan.
Tandaan: sa kakasingko-singko, nakakapiso; sakakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.