IBA NA ANG LEBEL NI PACQUIAO

Magkape Muna Tayo Ulit

ANG ating “Pambansang Kamao” na si Sen. Manny Pacquiao ay i­nimbitahan kamakailan sa Oxford University sa United Kingdom. Nagsalita siya sa harap ng isang prestihiyosong grupo sa nasabing unibersidad. Ito ay ang Oxford Union kung saan matapos siyang magsalita ng kanyang preparadong speech, ay nagpaunlak siya na tanungin ng mga tao na nand’un sa okasyon.

Si Pacquiao ngayon ay nabibilang sa mga sikat na mga personalidad na naimbitahan ng Oxford Union na itinatag noong 1823. Ang mga kilalang panauhin na dumalo rito upang ilathala ang kanilang buhay at ibigay ang kanilang opinyon sa mga kaganapan noong panahon nila ay sina da­ting Prime Minister ng Britanya noong Ikalawang Digmaan na si Sir Winston Churchill. Ang mga da­ting pangulo ng Estados Unidos na sina Ronald Reagan, Jimmy Carter at Bill Clinton. Ang tanyag na dalubhasang Albert Einstein. Si Mother Teresa rin ay dumalo rito. Sa la­rangan naman ng palakasan ay naimbitahan na rin dito ang mga kilalang boksi­ngerong tulad nina George Foreman, at si Vitali Klitscko. Tennis player na si Boris Becker at football star na si Diego Maradona ay nagsalita na rin dito.

Ang pagkakilala o recognition ng Oxford Union kay Pacquiao ay patunay kung gaano kalakas ang impluwensiya at mensaheng napaabot niya sa buong mundo sa na­ pagdaanan niya sa buhay. Ganoon din sa mga karanasan niya kung nasaan siya ngayon sa tugatog ng lipunan.

Alam nating mga Filipino ang hamak na pinanggalingan ni Pacquiao. Lumaki sa hirap. Nakipagsapalaran sa buhay upang umasenso sa pamamagitan ng boksing. Hindi biro ang kanyang pinagdaanan. Nalihis sa landas dulot ng tagumpay, ngunit nakabangon muli at nagbalik loob sa Panginoon. Siya lamang ang boksingero sa buong mundo na nakakuha ng walong titulo sa apat na weight classes mula flyweight, featherweight, lightweight at welter-weight. Sa kasalukuyan, ikaapat siya bilang best pound for pound boxer of all time.

Sa totoo lang, ang kakaibang inabot at nagawa ni Pacquiao upang makilala ang Filipinas sa mundo at tumulak sa mga kababayan natin na ma­ging taas noo bilang isang Filipino sa mga banyaga, karamihan pa rin sa atin ay hindi gaanong bilib kay Pacquaio. Marami kasi sa atin ay mas mataas ang tingin sa mga taong pasosyal. Mas bilib tayo sa mga Filipino na derecho mag-Ingles. Hindi nagkakamali sa grammar kapag nagsusulat sa wikang Ingles. Pinagtatawanan patalikod ang mga pro­binsiyanong may punto kapag nagsalita ng Tagalog. Iyan po ang katotohanan bagama’t alam natin na mali ito.

Karamihan ng bumabatikos kay Pacquiao ay ang mga ‘edukado’ umano o kaya nagpapanggap na ‘edukado’. Noong u­nang sabak ni Pacquiao sa politiko, marami ang nagtaasan ng kilay. Ano raw ang magagawa niya bilang mambabatas. Ngayon ay senador na po siya. Makikita mo sa social media ang mga pasaring at paninira kay Pacquiao kapag siya ay nagtatanong sa mga imbestigasyon sa Senado. Subalit kung aalisin natin ang kanyang puntong Bisaya, matalino at may saysay ang kanyang mga katanungan.

Sa labas ng ating bansa, tinitingala si Pacquiao. Larawan siya ng isang pinagpalang tao na mahusay sa boksing at galing sa kaisipan. Isang taong malinis ang hangarin sa serbisyo publiko at hindi korap na politiko. Hindi nila pinagdududahan ang mga intensiyon ni Pacquiao sa desisyon niya na sumabak sa politika. Naniniwala sila sa lahat ng mga ideyolohiya na sinasabi niya upang makatulong sa ating bayan. Sana ay gan’un din tayong mga Filipino sa pagtingin kay Pacquiao.  Ibang lebel na talaga si Manny Pacquiao.

Comments are closed.