IBA PANG PALIPARAN ISASAPRIBADO

PLANO ng Department of Transportation (DOTr) na isapribado ang operasyon ng iba pang paliparan sa bansa para mapaghusay ang serbisyo.

Layon din nito na mapagaan ang trabaho ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na umaakto ngayong operator at regulator ng karamihan sa paliparan sa bansa.

Sa 2024 Aviation Summit, sinabi ni DOTr Undersecretary for Aviation and Airports Roberto Lim na sa susunod na linggo ay nakatakdang lumagda ang ahensiya sa isang concession agreement sa Aboitiz InfraCapital (AIC) para sa operations at maintenance ng Laguindingan Airport sa Misamis Oriental. Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P12.75 billion para sa 30-year concession period.

Samantala, ang deadline para sa “Swiss challenge” sa unsolicited bid na i-operate ang Bohol-Panglao airport ay sa Nobyembre. Nakuha na rin ng Aboitiz ang “original proponent status” ng Bohol airport.

“We are excited to take on revitalizing Laguindingan Airport and collaborating with stakeholders to create a world-class facility that serves the travelers and the community alike,” wika ni Cosette Canilao, AIC President and Chief Executive Officer.

Sinabi pa ni Lim na marami pang airport projects ang binubuo para sa posibleng public private partnership deal.

Kabilang dito ang Iloilo at Puerto Princesa na may bid mula sa Villar’s Prime Ventures, at Kalibo na may bid mula sa Mega7. May 10 iba pang paliparan ang may magkakaibang degrees ng PPP project development.

“We’re trying to decongest CAAP with the burden of operating a facility. We want CAAP to unburden itself with the responsibility of operating airports,” ani Lim.

May 90 paliparan sa bansa, kabilang ang maliliit na airports sa mga isla. Lima lamang ang pinatatakbo ng private company – Ninoy Aquino International Airport, Mactan-Cebu International Airport, Clark International Airport, Caticlan Airport, at Laguindingan Airport.