SA KABILA ng mas pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa kriminalidad, mayroon pa ring nangyayaring heinous crimes o karumal-dumal na krimen sa iba’t ibang panig ng bansa gaya ng brutal na pagpatay, panggagahasa at iba pa.
Aminado rin ang awtoridad na lalong lumala ang operasyon ng illegal drugs sa Filipinas sa kabila ng kanilang pagsisikap na labanan at masugpo ang paglaganap nito.
Kaya naman hindi tumitigil sa monitoring ang PDEA at pulisya sa panghuhuli ng droga kaya lang ay mukhang minamaliit o binabalewala ng mga sindikato ang operasyon ng awtoridad dahil kulong lamang ang penalty sa mga nahuhuling bigtime syndicate dito sa Filipinas.
Nakapanlulumong isipin na sayang lang ang mga operasyon na ginagawa ng drug authorities para hulihin ang mga sangkot sa ilegal na droga at buwagin ang mga laboratory, gayundin ang pagtimbog sa drug shipments ng mga sindikato.
Gaya rin sa gumagawa ng karumal-dumal na krimen, kailangan nilang pagbayaran nang buo ang hatol ng korte – na kapag buhay ang inutang, buhay rin ang kapalit para makamit ang hustisya ng mga biktima.
Hindi katanggap-tanggap ang kasalukuyang sistema ng kaparusahan sa mga taong gumawa ng krimen laban sa lipunan. Inaabot ng 10 taon upang habulin at litisin ang isang pusakal na kriminal bago makulong. Ngunit sa isang iglap ay maaaring pakawalan ang mga ito dahil sa maling interpretasyon ng batas sa Good Conduct and Time Allowance.
Kaya panahon na para muling buhayin ang parusang bitay para magtanda ang mga kriminal at magdalawang-isip ang mga gumagawa at nagbebenta ng illegal drugs dito sa bansa dahil may responsibilidad tayo bilang bansa na siguraduhing tahimik ang buhay ng mamamayan.
Ang parusang bitay ay hindi kalupitan, ito ay paraan para maturuan ng leksiyon ang mamamayan na hindi sila dapat gumawa ng krimen dahil buhay nila ang kapalit nito. Ibalik ang death penalty para mabigyan ng katarungan ang pagkawala at pagkasira ng buhay ng mga biktima ng heinous crimes – igawad ang hustisya sa kanila.
Comments are closed.